Iginiit ng mambabatas sa Mababang Kapulungan na iresponsable umano si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, kasabay ng pahayag na inilalagay ng kalihim sa alanganin ang reputasyon ng Mababang Kapulungan.
Ito ay matapos umanong paniwalain ang House Committee on Justice na may mga ebidensya ang kalihim, na sa kalaunan ay wala naman pala.
“I think it is very irresponsible for Sec. Aguirre to have subjected the House of Representatives into this kind of media circus based on non-existent evidence,” ayon kay Siquijor Rep. Ramon ‘Rav’ Rocamora, miyembro ng komite.
“By his statement he dangled this piece of video to lure us into believing in its existence. As a consequence, the entire lower house, Speaker Pantaleon Alvarez and the justice committee’s reputation is put in question,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Rocamora na tumayo ang maraming mambabatas upang kontrahin ang showing ng sex video na ipinapangalandakan ni Aguirre, upang maisalba ang reputasyon ng institusyon, ngunit nitong huli ay inamin ni Aguirre na wala siyang kopya ng sinasabi niyang sex video umano nina Senator Leila de Lima at Ronnie Dayan, dating drayber ng Senadora.
“Now the lower house has become a butt of people’s jokes. The Secretary should be lucky that Congress doesn’t hold him in contempt,” ani Rocamora.
Kahapon, sinabi ni Rocamora na kung may ebidensya si Aguirre laban kay De Lima, mas mainam na isampa na lang ito sa korte at huwag nang hintayin pa ang konklusyon ng komite sa iniimbestigahang paglaganap ng illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP). (Charissa M. Luci)