Nahaharap sa malaking pagsubok ang isang kolehiyala dahil sa pang-aabusong sinapit sa tatlong lalaki na umano’y halinhinang humalay sa kanya sa Valenzuela City, noong Lunes ng gabi.

Kahit paano’y nabunutan ng tinik ang biktima nang madakip ang dalawa sa tatlong suspek na kinilalang sina Marvin Geronino, 35, construction worker at Napoleon Nicor, 28, cell phone technician, kapwa naninirahan sa No. 1483 Telecom Compound, Barangay, Karuhatan ng nasabing lungsod.

Sa salaysay ng dalaga kay SPO3 Lorena Hernandez, head ng Women’s and Children Protection Desk (WCPD), dakong 10:30 ng gabi, galing siya sa internet café malapit sa kanilang lugar para gumawa ng takdang-aralin.

Naglalakad na umano siya pauwi sa Karuhatan Road nang mapansin niyang nakasunod sa kanya si Geronimo kaya binilisan na niya ang paglalakad.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Ngunit laking gulat ng biktima nang sumulpot naman si Nicor sa kanyang harapan at tinutukan siya ng patalim.

Piniringan umano siya ng dalawang suspek at sapilitang isinakay sa motorsiklo hanggang sa makarating sila sa isang kubo sa Dulong Tangke, Barangay Malinta.

Isang alyas “Tsong” naman ang nagtanggal umano ng kanyang piring.

Dito na halinhinang hinalay ang dalaga hanggang sa nawalan siya ng malay.

Pasado 3:00 na ng hapon nang magising ang dalaga at wala na siyang saplot sa katawan at wala na rin ang mga suspek.

Umuwi ang biktima sa kanilang bahay at dahil madalas niyang nakikita ang mga suspek sa kanilang lugar, nagpasama ito sa kanyang mga magulang sa Police Community Precinct (PCP) 9 hanggang sa naaresto sina Nicor at Geronimo.

Nahaharap sa kasong rape with forcible abduction ang dalawang suspek, habang pinaghahanap pa si Tsong.

(Orly L. Barcala)