“MAYROONG tatlong milyong addict sa bansa. Masaya akong patayin sila,” wika ni Pangulong Digong. “Kung ang Germany ay may Hitler, ang Pilipinas ay magkakaroon din,” sabi pa niya at itinuro ang kanyang sarili. “Alam ninyo ang aking mga biktima. Gusto kong wakasan ang problema ng aking bayan at sagipin ang susunod na henerasyon sa kapahamakan,” dagdag niya.

Umani ng batikos ang tinurang ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Davao pagkagaling sa Vietnam. “Outrageous,” galit na nasambit ni Rabbi Abraham Cooper, pinuno ng Wiesenthal Center’s Digital Terrorism and Hate project. Dapat daw ay humingi ang Pangulo ng paumanhin sa mga biktima ng Holocaust.

“Ang ihambing ang mga drug user at dealer sa mga biktima ng Holocaust ay hindi nararapat. Hindi ko mawari kung bakit may lider na nais gayahin ang halimaw.” Reaksyon naman ni Todd Gutnick, communication director ng Anti-Defamation League, pandaigdigang samahan ng mga Hudyo na nakabase sa Amerika. Holocaust ang taguri sa ginawang pagpatay ni Hitler sa Europa sa anim na milyong Hudyo sa hangarin nitong lipulin ang kanilang lahi.

Nahaharap daw sa demanda sa mga pandaigdigang korte ang Pangulo sa sinabi niyang gusto niyang patayin ang tatlo milyong Pilipino, ayon naman kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat. Nais ba raw sabihin ng Pangulo na patayin na lang ang mga drug addict, wala nang rehabilitasyon, tulad ng ginawa ng mga Nazis sa mga Hudyo?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“Nakababahala naman” wika ni Kabataan Rep. Sarah Elago, “ang iparis ng Pangulo ang kanyang sarili kay Hitler.”

Genocide, aniya, ang sinasabi nito.

Humingi ng paumanhin ang Pangulo sa mga Hudyo. Hindi raw niya sinasadya na ihambing sa mga drug addict na pinapatay ng kanyang administrasyon ang mga Hudyong pinatay ni Hitler. Dati, kapag naririndi ang Pangulo sa mga batikos na inaabot niya kaugnay ng mga binitiwan niyang salita, ikakatwiran niyang siya ay nagbibiro lang. O kaya, ipagkakaila niya na sinabi niya ang mga ito at sisisihin ang media dahil mali raw ang iniuulat ng mga ito. Ngayon naman, hindi niya sinasadya. Napakagaan ng pagtrato ng Pangulo sa posisyong ipinagkaloob sa kanya ng mamamayan. Dapat ay may responsibilidad naman, dahil ang kinakatawan niya ay bansa na. Para rin sanang isang ama na binibigyan niya ng kahihiyan ang kanyang kapamilya. Hindi komo inihalal ka ng taumbayan ay bahala ka na sa aasalin mo bilang kanilang lider. Kung sino at anong uri kang tao ay ganoon din ang tingin sa mamamayan mo.

Eh, nagkalat pa naman sa buong mundo ang mga kababayan niyang Pilipino! (Ric Valmonte)