Nakopo ng Ateneo ang huling men’s semifinal berth sa UAAP Season 79 badminton tournament matapos igupo ang University of Santo Tomas,3-1, sa do-or-die playoff sa Rizal Memorial Badminton Hall.
Nakabawi ang Blue Eagles sa nalasap na 2-3 kabiguan sa Tigers noong Sabado sa pagtatapos ng elimination round upang maipuwersa ang playoff sa pangatlong Final Four slot.
Makakatunggali ng Ateneo ang last year’s losing finalist De La Salle sa unang laro sa pagsisimula ng stepladder semis na isang knockout match sa darating na Miyerkules.
Nauna nang pumasok sa best of 3 finals ang 3-peat seeking National University matapos ipanalo ang lahat ng kanilang elimination round ties, habang hinihintay naman ng University of the Philippines na may bitbit na twice-to-beat incentive ang mananalo sa laban ng Ateneo- De La Salle para sa second stepladder semis matapos na pumangalawa sa Bulldogs taglay ang barahang, 6-1.
Naunang nanalo si Clarence Filart para sa Eagles sa first singles match, 21-17, 21-11 kontra Christian Yabut.
Sinundan ito ni Jan Mangubat para sa bentaheng 2-0 ng Ateneo, 21-13, 21-11 laban kay Kristian Barrios sa second singles.
Pinutol nina Paul Pantig at Edgar Reyes sa pamamagitan ng 21-16, 21-16 panalo laban kina Filart at Sean Chan sa first doubles para sa UST.
Pormal namang ibinigay nina Hanz Bernardo at Mangubat ang panalo sa Ateneo sa pamamagitan ng paggapi kina Mark Sotea at Barrios, 21-12, 21-18, sa second doubles. - Marivic Awitan