Kapwa nasawi ang magkasintahan makaraang pasukin at pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang suspek sa loob mismo ng bahay ng babaeng biktima sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Wala nang buhay nang datnan ng kanilang kapitbahay sina Avestro Juan, alyas “Jackie”, 27, ng Block 74, Lot 9, Lagro, Novaliches, Quezon City at Rosario Antonell, alyas “Dale”, nasa hustong gulang, ng No. 2130 Saint Benedict Street, Admi Site, Barangay 186, Tala, Caloocan City.
Ayon sa saksing si Belinda Florention, dakong 1:24 ng madaling araw nangyari ang pamamaril sa loob ng bahay ni Dale.
Narinig umano niya ang sunud-sunod na putok ng baril at nakita ang dalawang lalaki na papalabas ng bahay ng biktima.
Naglakas loob umano siyang silipin ang loob ng bahay at nakitang duguang nakahandusay sa sala si Dale, habang nasa banyo naman ang bangkay ni Juan.
Lumalabas na winasak ng mga suspek ang pintuan ng bahay para makapasok.
Walang natagpuang ilegal na droga sa pinangyarihan, kundi puro basyo ng cal. 9mm at cal. 45 ang narekober.
Nagsasagawa pa ng follow-up investigation ang Caloocan Police kung ano ang motibo sa pamamaril at pagpatay sa magnobyo. - Orly L. Barcala