COTABATO CITY – Tumiwalag ang ilang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement (BIFM) upang isulong ang ideyolohiya ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), sinabi kahapon ni BIFM Spokesman Abu Misri.

Sinabi ni Misri na hindi na kasapi ng BIFM o ng armadong sangay nitong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sina Salahuddi “Salah” Hassan, Esmael “Abu Turaify” Abdulmalik, Basir “Abu Bagdag” Ungab, Abdulnasser “Abu Tahir” Adil, at Ansari Yunus at mga tagasunod ng mga ito.

Sa pahayag sa media kahapon, sinabi ni Misri na opisyal nang tumiwalag ang Hassan group nitong Setyembre 12 na tinanggap naman, aniya, ng pamunuan ng BIFM.

Babala pa ng pahayag, hindi magiging responsable ang BIFM sa anumang aktibidad ng grupo ni Hassan, na determinadong magsulong ng ideyolohiya ng grupong terorista na ISIS.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Nakabase sa Maguindanao, matatandaang inako ng BIFF ang serye ng mga pag-atake sa mga imprastruktura at pasilidad ng militar na nagdudulot ng labis na perhuwisyo.

Isa ang BIFF sa tatlong grupong rebelde sa Mindanao na sumumpa ng alyansa sa ISIS, bukod sa Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu at sa Kilaffa Islamiya Movement (KIM) sa Lanao del Sur, na tinatawag ding Maute group. - Ali G. Macabalang