Limang lalaki na sinasabing sangkot sa ilegal na droga ang umano’y nanlaban kaya pinatay ng mga pulis sa loob ng Fish Port Complex sa Navotas City, habang tatlong lalaki naman sa Caloocan City ang napaslang din sa engkuwentro, kahapon ng madaling araw.

Bagamat iginiit ng Navotas City Police na nasa drug watchlist nila ang limang napatay, pawang hindi tukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito, na ang dalawa ay kinilala lang sa mga alyas na “Kenken” at “Gerald”.

Base sa report, dakong 5:00 ng umaga nang nagsagawa ng drug operation sa Navotas Fish Port Complex at nagkahabulan hanggang masukol ang mga suspek.

Nagpaputok umano ng baril ang mga suspek kaya napilitang gumanti ang mga pulis na nagresulta sa pagkakapatay sa mga ito.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sinabi naman ng mga residente na tanging sunud-sunod na putok ng baril ang narinig nila, at hindi ang sinasabing takbuhan papasok sa fish port.

Samantala, sa tatlong napatay sa engkuwentro sa Caloocan ay isa lamang ang nakilala, si Reggie Sarmiento, ayon kay Northern Police District (NPD) Director Senior Supt. Roberto Fajardo.

Ayon sa report, dakong 12:30 ng umaga nang itawag sa opisina ni Insp. Cecilio Tomas, Jr., hepe ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ng isang concerned citizen ang tungkol sa bentahan ng shabu sa PNR Railway sa Barangay 33, kaya agad na nagresponde ang mga pulis.

Nanlaban umano ang mga suspek at gumanti ang mga pulis. (Orly L. Barcala)