BIBIGYANG buhay ni JC de Vera ang kuwento ng psoriasis Philippines founder na si Josef de Guzman at kung paano niya hinarap ang diskriminasyon at depresyong dulot ng pagkakaroon ng naturang sakit sa balat ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya.
Kilala si Josef sa kanyang talento sa pagkanta, angking talino, makinis na kutis, at guwapong mukha. Pamumuhay na niya ang pagkanta sa mga prestihiyosong hotel kaya lahat ng gustuhin niya ay nakukuha niya. Ang suwerte ay tila ba laging nasa panig niya.
Pero magbabago ang lahat pagtungtong niya ng 35 taong gulang, nang magkaroon siya ng chronic inflammatory skin disease na tinatawag na psoriasis. Babaligtad ang kanyang mundo at biglang mawawala ang lahat ng kanyang mga pinaghirapan. Magiging miserable siya at magmumukmok dala ng matinding kalungkutan.
Paano maibabalik ni Josef ang kumpiyansa sa sarili? Paano niya haharapin ang panghahamak ng lipunan? Ano ang hihimok sa kanya para magtayo ng isang advocacy at support group para sa mga tulad niyang may psoriasis.
Makakasama ni JC de Vera sa episode ng MMK ngayong gabi sina Louise Abuel, Irma Adlawan, Juan Rodrigo, Kazel Kinouchi, Kazumi Porquez, Jairus Aquino, Kyle Banzon, at Tata Mara, mula sa panulat nina Jaymar Castro at Arah Jell Badayos at sa direksyon ni Raz dela Torre.