Nakatuntong si Francis Casey Alcantara sa mga manlalaro sa world’s top 500 sa doubles matapos ang magkasunod na impresibong kampanya sa pro circuit, kabilang ang semifinals sa matinding Canada Futures 6.
Wala sa ranking sa pagsisimula ng season, ang 24-anyos mula Cagayan de Oro, ay nagtala ng mga maiinit na panalo tungo sa paghablot ng nakatayang ITF ranking kung saan nakuha niya ang No. 456 sa doubles at No.1150 sa singles class.
“Yes it was the highest rank so far. Hopefully I can still improve it some more at the end of the year,” pahayag ni Alcantara, tinanghal na 2009 Australian Open juniors doubles champion.
Kasama ang British partner na si Farris Fathi Gosea, nakatuntong si Alcantara sa semifinals ng Canada F6 sa nakalipas na Linggo.
Asam nitong malampasan ang kanilang natapos sa pagsabak sa Niagara $25,000 tournament ngayong linggo. Sunod itong kakampanya sa Vietnam sa susunod na apat na linggo.
“It’s good to be in the tour, I’m beginning to enjoy it and get the hang of it,” sambit ng produkto ng Pepperdine University.
Si Alcantara, regular na miyembro ng national team at Davis Cup, ay nagawa ring makapasok sa doubles semifinals ng Hong Kong F2, Uzbekistan F4, India F2 at United States Futures sa pakikipagtambalan kay Indonesian Christopher Rungkat.
Nagawa nito kasama si Rungkat pumasok sa finals ng Manila ATP Challenger. Gayunman, napanalunan nito ang kanyang unang tour title kapares si Johnny Arcilla sa Manila F2 matapos lumaban sa finals ng Manila F1. (Angie Oredo)