Ipatatawag ng House Committee on Justice si Ronnie Dayan, ang dating drayber ni Sen. Leila de Lima, na umano’y kumulekta ng drug money para sa huli noong Justice secretary pa lamang ito.

Ang pag-isyu ng subpoena kay Dayan ay inihayag ni Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, kung saan pahaharapin si Dayan sa imbestigasyon sa Oktubre 5.

Binalaan din ni Umali si Dayan sa pag-isnab sa subpoena. “We will be forced to issue arrest warrant upon the approval of Speaker should he (Dayan) ignore the subpoena against him,” ani Umali.

Sa pagdinig ng Kamara, lumutang ang isyu na tinanggap ni Dayan ang P10 milyong idedeliber sana sina National Bureau of investigation (NBI) Deputy Director Rafael Ragos at Jovencio Ablen Jr., sa bahay ni De Lima sa Parañaque City.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sinabi naman ni Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu na dapat lumitaw si Dayan upang mabatid ang katotohanan.

Immunity kay Sebastian

Samantala wala pang pinal na pagpapasya ang Department of Justice (DoJ) sa posibilidad na mabigyan ng immunity ang high-profile inmate na si Jaybee Sebastian.

Ayon kay DoJ Secretary Vitaliano Aguirre II, kung aamin si Sebastian at ilalahad ang kanyang mga nalalaman sa pamamagitan ng affidavit, maaaring ikunsidera na siya ay mapasailalim sa Witness Protection Program (WPP).

Pero kung hindi umano makikipagtulungan si Sebastian, posibleng mapasama siya sa mga respondent.

Si Sebastian, na ayon sa mga testigo ay kontak ni De Lima sa New Bilibid Prisons (NBP), ang siyang may kontrol umano sa illegal drug trade sa NBP.

Bucayu may feeler na

Nagpapadala na umano ng feeler o pahiwatig ang kampo ni dating Bureau of Corrections (BuCor) Director Franklin Bucayu sa Department of Justice (DoJ) kaugnay ng posibilidad na magsalita hinggil sa kalakaran ng ilegal na droga sa NBP.

Sa pagdinig sa Kongreso noong nakalipas na linggo, sinabi ng inmate si Herbert Colanggo na tumatanggap si Bucayu ng P1.2-million na payola mula sa kanya buwan-buwan.

Ayon naman kay Dating PNP CIDG Chief Benjamin Magalong, tinangka noon ni Bucayu na pigilan ang raid sa NBP.

4 judges

Sa iba pang ulat, malapit na umanong matapos ang imbestigasyon sa apat na judges na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilegal na droga.

“We already started the investigation and we hope to conclude soon. There are four judges being investigated and unless anything concrete comes from law enforcement agencies or from the President himself, we hope to conclude the probe,” ani Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno.

Kabilang sa mga iniimbestigahan sina Judge Exequil Dagala ng municipal trial court (MTC) sa Dapa-Socorro, Surigao; Judge Adriano Savillo ng regional trial court (RTC) sa Iloilo City; Judge Domingo Casiple ng RTC sa Kalibo, Aklan; at Judge Antonio Reyes ng RTC sa Baguio City. (Charissa M. Luci, Beth Camia at Rey G. Panaligan)