NAGBANTA ang Malacañang sa pamamagitan ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar laban sa ilang Filipino-American (Fil-Am) sa New York City na nagpaplano umanong patalsikin si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Enero 17, 2017. Sa tagal ko sa larangan ng pamamahayag bilang defense at Congress reporter, ngayon lang ako nakabalita na ang plano ay isasagawa sa tukoy na petsa. Ano ba ito, takutan? Kasi kung alam ng presidente ang eksaktong petsa, aba pakikilusin nito ang AFP at PNP upang masawata ang pagpapatalsik.
Sinabi ni Andanar na kahit milya-milya ang layo ng New York City na kinaroroonan ng mga Fil-Am, hindi naman sila “nameless nor faceless” kung kaya matutukoy din sila at pananagutin sa batas. Pero, Sec. Andanar, tsismis (hearsay) lang ang sinabi ng isang Fil-Am sa cabinet member na nasa New York City dahil na-overheard lang din daw niya sa ilang Fil-Am ang gayong plano na dumalo sa isang okasyon na naroroon ang nasabing cabinet member na hindi mo naman pinangalanan.
Higit daw delikado at mabagsik ang ginagawa ni Mano Digong ng paghahayag sa publiko ng listahan ng mga pinaghihinalaang drug pusher, user at protector ng walang ebidensiya. Mas mabuti raw na ihabla ang mga suspect na nasa drug matrix kaysa ipaalam sa taumbayan ang kanilang mga pangalan. Maliwanag daw na ito ay isang “trial by publicity” dahil sa ‘Pinas, kapag ang pangalan mo ay nalagay sa pahayagan o naisahimpapawid sa radyo at TV, para ka na ring guilty kahit walang ebidensiya.
Sa ngayon, hindi lang sina Pope Francis, US Ambassador Philip Goldberg, US Pres. Barack Obama, UN Sec. General Ban Ki-moon, at Sen. Leila de Lima ang nakalasap ng asido mula sa bibig ni RRD. Maging ang European Union (EU) ay nakatikim din ng “F***... You” dahil sa pagbatikos nito sa kanyang drug war at umano’y extrajudicial killings.
Allergic talaga si Mano Digong kapag binanggit ang salitang “extrajudicial killings” kaya na-”p*** ...ina” niya si Obama bago siya lumipad sa Laos noon. Of course, itinangging minura niya ang US black president.
Samantala, talagang palaban ang may “yagbols” na si Sen. De Lima kina President Duterte at Sen. Alan Peter Cayetano.
Tinawag siyang “immoral woman” at coddler ng drug lords sa New Bilibid Prison, inakusahan niya ang pangulo na ito ang gumagawa ng gulo sa bansa at sumisira sa imahe ng ‘Pinas sa international community dahil sa pagmumura at padalus-dalos na aksiyon. Lahat daw ng basura ay itinapon na sa kanya nina RRD at Cayetano, pero hindi siya susuko, at ang pakikipaglaban niya ay magiging isang “long, lonely fight.”
Mahigit na yata sa 3,000 katao ang napatay sa “bloody drug war” ni Pangulong Rody at Gen. Bato sa loob lang ng 3 buwan, kasama na rito ang kagagawan ng vigilantes at drug syndicates. Kung mananatili ang pangulo sa puwesto sa loob ng anim na taon, malaking kabawasan sa 102 milyong populasyon ng bansa ang pagkamatay ng mga drug pusher, user, protektor, at kriminal (sana may big-time drug lords din)! (Bert de Guzman)