IMINUNGKAHI noong nakaraang linggo ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Rafael Mariano ang pagpapatupad ng dalawang-taong moratorium sa pagbabago sa mg lupaing agrikultural bilang mga subdibisyon at iba pa. Agad na ipinahinto ng kagawaran—pansamantala, ayon dito—ang pagpoproseso at pag-aapruba ng mga aplikasyon para sa land-use conversion.
Makatutulong ang panukala sa pagsisikap ng gobyerno na matiyak ang seguridad sa pagkain, ngunit makaaapekto ito sa maraming iba pang programa ng pamahalaan kaya naman nangangailangan ito ng pinakamasusing pag-aaral at pagtalakay.
Nakaaapekto sa mga plano, halimbawa, para sa isang programa sa pabahay ng milyun-milyong Pilipino, mga planong nagtatakda sa pagkakaroon ng mga subdibisyon sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nakaaapekto rin ito sa mga programa ng mga industriya ng commercial real estate at konstruksiyon na nag-aambag sa malaking bahagi ng mga buwis na kinokolekta para sa budget na kinakailangan para pondohan ang gobyerno. Pinag-aaralan na ngayon ng Kongreso ang sistema ng pagbubuwis upang maging makatuwiran ito, habang tinitiyak na sa mga gagawing reporma ay hindi mababawasan ang kita ng gobyerno.
Makaaapekto rin ang planong ito ng DAR upang makahimok ng mas maraming dayuhang mamumuhunan sa bansa para magtayo ng mga pabrika. Kalaunan, makaaapekto rin ito sa mga programa sa trabaho na layuning maibsan ang matinding kahirapan sa bansa, at sinasabing pinakakritikal na problema ng bansa sa ngayon.
Magkakaugnay ang lahat ng problemang ito at hindi maaaring resolbahin nang solo ang isa nang hindi maaapektuhan ang iba pa. Ang solusyon ng DAR na agarang pagbabawal sa conversion ng mga lupang agricultural ay maaaring mabuti sa unang tingin, dahil makatutulong ito upang maisulong ang hinahangad na seguridad sa pagkain, ngunit nangangailangan ito ng mas malawakang talakayan para isaalang-alang ang iba pang interes ng bansa, gaya ng itinataguyod ngayon ng Department of Finance, ng Depatment of Trade and Industry, ng Department of Labor and Employment, at ng Housing and Urban Development Coordinating Council. Hindi dapat na maisantabi ang Department of Agriculture sa mga talakayang ito.
Sa kabuuan, ang lahat ng suliranin ng bansa ay bumabagsak sa opisina ni Pangulong Duterte. Pinahahalagahan niya ang mga hakbangin ng mga miyembro ng kanyang Gabinete, ngunit sa malawak niyang pag-aasikaso sa kabuuan ng bansa at sa sangkaterbang problema nito, ikatutuwa niya at ng kanyang mga opisyal ang pagkakaroon ng mas masusing pag-aaral sa plano at sa mga implikasyon nito bago pa ito isakatuparan.