BAGO pa man magdala ng karangalan sa bansa at magbigay ng inspirasyon sa ating mga kababayan, hindi naging madali ang pinagdaanan ng weightlifter na si Hidilyn Diaz para makasungkit ng silver medal sa nakaraang Rio Olympics.
Panoorin ang nakaaantig na kuwento ng kanyang buhay sa natatanging pagganap ni Jane Oineza bilang si Hidilyn sa Maalaala Mo Kaya ngayong gabi.
Lumaki si Hidilyn sa isang mahirap na pamilya sa Zamboanga City. Ngunit kahit salat sa pera, tanging ang atensiyon at pagmamahal lamang ng kanyang pamilya ang kanyang kinailangan upang malagpasan ang mabibigat na hamon ng buhay.
Sa kanyang paglaki, hindi niya ito naramdaman maging sa maliliit na bagay, tulad na lamang ng madalas na pag-utos sa kanya para mag-igib ng tubig kahit pa may mas nakakatanda siyang kapatid na gagawa nito.
Nang madiskubre ni Hidilyn mula sa kanyang mga pinsan ang sport na weightlifting noong 2002, sumama siya sa training sessions at naging masigasig sa pagsasanay nito. Nahirapan ang pagsisimula niya dahil sanga ng puno ang una niyang ginamit sa pagpapraktis.
Hindi nagtagal ay nakikipaglaban na sa loob at labas ng bansa si Hidilyn. Malaki ang naitulong ng naturang sport sa kanya maging sa pagtatapos niya ng pag-aaral. Ngunit sa kabila ng mga papuri at tagumpay sa iba’t ibang kumpetisyon, hindi pa rin naging tunay na masaya si Hidilyn dahil hindi pa rin niya maramdaman ang pagmamahal at pagpapahalaga ng kanyang mga magulang at kapatid.
Hanggang noong 2014 nang harapin niya ang sunud-sunod na problemang sa kanyang napiling sport at pati na rin sa kanyang buhay pag-ibig.
Makuha pa kaya ni Hidilyn ang inaasam na pagpapahalaga ng kanyang pamilya? Paano niya nalampasan ang mga pagsubok sa buhay para magpursige at kinalauna’y magtagumpay sa Rio Olympics?
Makakasama ni Jane sa MMK sina Sofia Millares, Maricel Morales, Smokey Manaloto, Brace Arquiza, John Vincent Servilla, Hero Angeles, Laisa Comia, Dominic Roque, Monsour del Rosario, Ahron Villena, Mico Aytona, Kokoy de Santos, at Perry Escaño, mula sa panulat nina Mary Rose Colindres at Arah Jell Badayos at sa direksiyon ni Dado Lumibao.