Tamang timpla at kumbinasyon ng player ang susi sa tagumpay sa pagpalo ng Philippine Airlines (PAL) Ladies Interclub sa Oktubre 4-8 sa Camp John Hay sa Baguio City.
Batay sa bagong format, bawat isang miyembro ng koponan ay papayagan lamang makalaro ng dalawang round sa apat na araw na torneo.
Ibinase ang format sa Seniors division, sapat para mas maging mapanuri ang team captain sa ilalargang kombinasyon sa bawat araw ng kompetisyon. Sa naunang format, binibigyan ng pagkakataon ang player na makalaro sa loob ng apat na araw.
May kabuuang walong miyembro ang koponan at apat na player ang palalaruin kung saan ang tatlong may pinakamagandang iskor ang siyang kasama sa bilangan. Target ng Manila Southwoods-Masters na mahila ang dominasyon sa Championship Division sa anim na sunod na edisyon.
Pangungunahan ni Pauline del Rosario, ipinapalagay na akma na para sumalang sa pro tournament, ang kampanya ng SW-Masters na sasabak na wala ang defending individual champion na si Abegail Arevalo na kasalukuyang nag-aaral sa San Jose State sa America.
Sa kabila nito, liyamado pa rin ang SW-Masters sa presensiya nina Mikhaela Fortuna at Sofia Chabon, gayundin sina Annika Guangko, Claire Ong, Andrea Pineda, Serafina Kim, at Lora Roberto.
Itinuturong top contender ang Cebu Country Club at Del Monte. Ngunit, nalagasan din ang Cebu sa katauhan ni Lois Kaye Go, na nakakuha rin ng golf scholarship sa United States.
Bunsod nito, nakatuon ang kampanya ng Cebu sa magkapatid na Jumina at Junia Gabasa, gayundin kina Japanese nationals Riko at Ryoko Nagai, Mark Kim Hong, Catrina Martinez, Jyra Mae Wong, at Crystal Faith Superal-Neri.
Ipaparada naman ng Del Monte ang bagong koponan sa torneo na suportado ng Solar Entertainment Corp., Airbus, Mareco Broadcasting Network, People Asia, Manila Broadcasting Corp, Fonterra, Mega Fiber, Mastercard, Tanduay Distillers at Zalora.