GENEVA (AP) — Wala kaming paki.

Ito ang kasagutan na ibinigay ng mga pamosong atleta na kabilang sa listahan na binigyan ng TUEs (therapeutic use exemptions) ng World Anti-Doping Agency (WADA) at isinapubliko ng grupo ng umano’y Russian hacker.

Ipinag-kibit balikat lamang nina tennis Grand Slam champion Petra Kvitova, Olympic champion Bradley Wiggins, Chris Froome at Robert Harting, ang ginawang pag-hack ng tinaguriang ‘Fancy Bears’ sa database ng WADA.

Sinasabing ‘confidential’ ang naturang record, ayon sa WADA.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“To say that Petra Kvitova suffers from asthma and uses medication for treatment is the same revelation as saying she’s won Wimbledon,” sambit ni Karel Tejkal, tagapagsalita ng Czech tennis player.

“We don’t hide anything. go transparency!” sambit naman ni German discus thrower Robert Harting sa kanyang Twitter.

“I’ve openly discussed my TUEs (therapeutic use exemptions) with the media and have no issues with the leak which confirms my statements,” pahayag ni three-time Tour de France winner Chris Froome.

Kabilang sina Kvitova, Harting at Froome sa 25 atleta mula sa walong bansa na naisapubliko ang medical record mula sa WADA dulot ng hacker.

Nauna rito, na-hack ang medical profile nina Rio Olympic gymnast champion Simone Biles at seven-time Grand Slam champion Venus Williams.

Lahat ng naturang atleta ay binigyan ng “Therapeutic Use Exemptions” ng WADA. Pinayagan silang gumamit ng gamot na kabilang sa ipinagbabawal ng kompetisyon bilang medisina sa kanilang karamdaman.

Iginiit ng grupo ng hacker na ginawa nila ito para patunayan ang pagiging ‘unfair’ ng WADA, higit sa Russian athletes at ipakita sa mundo kung paano namamanipula ng United States ang pagkapanalo sa Olympics.

Iginiit naman ng International Olympic Committee (IOC) na dumaan sa tamang proseso ang pagbibigay ng TUEs sa naturang mga atleta.