PVF, inimbitahan ng International Volleyball sa GA meeting
Ni Edwin Rollon
Nabuhayan ang sisinghap-singhap na laban Philippine Volleyball Federation (PVF) bilang lehitimong national sports association (NSA) sa volleyball nang pagkalooban ng silya para dumalo sa 35th FIVB World Congress sa Oktubre 4-5 sa Buenos Aires, Argentina.
Ayon kay PVF president Edgardo ‘Boy’ Cantada, ipinadala sa kanila ang imbitasyon kung saan nakasaad ang pagbibigay ng pagkakataon sa PVF na linawin ang sitwasyon at kaganapan sa volleyball sa Pilipinas.
Anila, patuloy ang communiqué sa pagitan ng PVF ang FIVB ang International Federation na nangangasiwa ng volleyball sa mundo kung saan ipinararating nila ang anila’y kutsabahan at manipulasyon ng Philippine Olympic Committee (POC) sa gawain ng volleyball sports body.
Matatandaang, binuo ang Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. (LVPI) sa pangangasiwa ng POC bilang kapalit umano ng binuwag na PVF.
Patuloy na ipinaglaban ni Cantada at ng buong liderato ng PVF ang asosasyon, higit at ang desisyon ng POC ay hindi naaayon sa bylaws and constitution ng asosasyon at maging ng Olympic body.
Batay sa record, walang naganap na botohan sa POC General Assembly para alisin ang PVF bilang isang regular-voting member ng Olympic body. Sa ilalim ng batas ng POC, maaalis bilang regular member ang isang asosasyon sa bisa ng botohan ng three-fourt ng kabuuang membership ng POC na may bilang na 49.
“As prayers have been answered, the PVF will have its day in the FIVB World Congress to present its side on the highly unjustified and biased decision of the POC to withdraw recognition of the PVF based on its flimsy allegation of disbandment,” pahayag ni Cantada.
Ayon kay Cantada, ang imbitasyon ng FIVB sa PVF ay patuloy lamang na hanggang sa kasalukuyan, ang PVF ang kinikilalang miyembro at asosasyon ng Pilipinas sa International body.
“With this development, the PVF is still recognized by the FIVB as the legitimate National Sports Association until such case the exclusion is affirmed by the FIVB World Congress,” sambit ni Cantada.
“We appeal for prayers that the FIVB World Congress would see truth,” aniya.
Tinangkang hingan ng komento ang LVPI, hingil sa isyu ngunit hindi nakunan ng pahayag si LVPI president Jose ‘Joey’ Romasanta.
Ngunit, sa mga naunang pahayag sinabi ni Romasanta, first vice president ng POC, na patuloy ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng LVPI sa lahat ng stakeholders ng volleyball sa bansa.
Sa pakikipag-alyansa sa pribadong Philippine Volleyball League, na pinamumunuan ng maimpluwensiyang si Ramon ‘Tatz’ Suzara, sumabak ang Pilipinas sa ilang torneo sa abroad at nakapag-host ng iba’t ibang international competition.