Tinabla ni Senate President Aquilino Pimentel III na bigyan ng proteksyon si Edgar Matobato, nagsasabing miyembro ng Davao Death Squad (DDS) at nagturo kay Pangulong Rodrigo Duterte at anak na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, na sangkot umano sa mga patayan sa naturang lungsod.
Ayon kay Pimentel, ibinatay niya ang kanyang desisyon sa mga alituntunin ng Senado, at sa kanyang palagay ay walang kinalaman ang testimonya ni Matobato sa isinasagawang pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights ni Senator Leila de Lima at Public Order naman ni Sen. Panfilo Lacson.
“I intend to run the Senate based on Rules. I’ve denied the request for protective custody of the witness Edgar Matobato because there is no Senate rule to justify it,” ani Pimentel, kung saan hindi rin umano nito nakikita na naninilikado ang buhay ng testigo.
Tinawag naman ni Senator Antonio Trillanes IV na walang puso si Pimentel at ipinakita nito ang pagmaniobra, pabor kay Duterte nang tanggihan nito ang pagkustodya kay Matobato.
“I am very disappointed with the decision of Senate President Pimentel. In fact, he doesn’t even have the power to overrule a ruling by any Senate committee,” ani Trillanes sa kanyang text message sa mga mamamahayag.
Binigyang diin naman ni De Lima na wala sa posisyon si Pimentel para tanggihan ang pagbibigay ng proteksyon kay Matobato.
“The grant of protective custody to witnesses may not be in the Rules, but this is a long-standing practice, probably in any legislative body in the world, because it is an ancillary and inherent power of the legislature to support its mandate of conducting inquiries in aid of legislation,” ani De Lima.
Bakit ngayon lang?
“Desperate times call for desperate measures and somebody is really desperate.”
Ito naman ang reaksyon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II sa pasabog ni Matobato, kung saan kinuwestiyon din ng kalihim ang timing ng paglutang nito.
“Why only now when there will be a coming House of Representatives’ hearing on why drugs proliferated in the Bureau of Corrections?” ani Aguirre.
Sa susunod na linggo, dalawampung testigo umano ang sasalang sa imbestigasyong isasagawa sa Mababang Kapulungan.
Dalawa dito ang magsasabi umano na si Sen. Leila De Lima ay tumanggap ng P5 milyon drug money, ayon kay Aguirre.
Naniniwala si Aguirre na ang paglutang ni Matobato ay upang i-divert ang isyu laban kay De Lima.
Presidential sister umalma
Samantala ikinukunsidera ni Presidential sister Jocelyn Duterte ang pagsasampa ng kaso laban kina De Lima at Matobato.
“I am not a lawyer, I’m going to a lawyer and I’m going to ask them anong rights ko as an individual and as a private person, na kanino bang responsibilidad ‘yang witness na ‘yan na nagsasalita,” ayon kay Duterte sa radio interview.
Ito ay matapos ihayag ni Matobato na isang dance instructor na boyfriend umano ng kapatid ng Pangulo, ang dinukot at pinatay noong 2013.
“I dance for the purpose of dancing, it’s an exercise to me, it’s essential way of expressing myself… wala ‘yang ganun, the way it appeared na parang pinatay dahil sa may ano—I will not go any further,” ayon pa kay Ms. Duterte.
Matobato, hindi CAFGU
Pinabulaanan naman ng Philippine Army (PA) na naging miyembro nila si Matobato.
“After checking our records, we found no Edgar Matobato whether as a soldier or as a CAFGU,” ayon kay Army Col. Benjamin Hao.
Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Matobato na naging miyembro siya ng Citizen Armed Force Geographical Unit (Cafgu) bago ma-recruit sa Davao Death Squad (DDS) noong 1988.
(Leonel M. Abasola, CAMCER ORDONEZ IMAM, Yas D. Ocampo at FRANCIS T. WAKEFIELD)