CUYAPO, Nueva Ecija - Mga kemikal sa paggawa ng shabu at posible ring para sa bomba ang natagpuang inabandona at pinaniniwalaang itinapon sa isang bahagi ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX), sa Barangay Bentigan sa bayang ito, noong Martes ng umaga.
Sa ulat ni Supt. Felix Castro Jr. kay Senior Supt. Manuel Estareja Cornel, Nueva Ecija Police Provincial Office director, isang opisyal ng TPLEX ang nagbigay ng impormasyon tungkol sa mga nadiskubreng kemikal sa may Kilometer Post 155+900 expressway.
Sa tulong ng mga tauhan ng Nueva Ecija Crime Laboratory Office, kabilang sa mga narekober ang anim na balde ng tigdadalawang bote ng 2.5 litro na namamarkahan ng “amino butane”, at tatlong balde ng tigdadalawang 2.5 litro na may markang “nitoatahe”, na pawang tinabunan ng kusot.
Kabilang din sa natagpuan ang dalawang puting balde na may maliliit na lata na may kemikal, at mayroon pang lata na puno ng basag na bote.
Mayroon ding tatlong selyadong lata at may selyadong plastic gallon na naglalaman ng hindi nakamarkang likido, 10 pang 2.5 litrong bote na may transparent liquid, at apat na bote ng amino butane, limang bote ng “benzaldehyde”, at isang bote na binura ang label. (Light A. Nolasco)