Nahaharap ngayon sa kasong graft sa Sandiganbayan si dating Palawan Gov. Mario Joel Reyes kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa fertilizer fund scam noong 2004.

Ang kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) laban kay Reyes ay inihain kahapon ng Office of the Special Prosecution (OSP) ng Office of the Ombudsman sa anti-graft court.

Kasama rin sa kinasuhan si Marina Sula, presidente ng bogus na non-government organization (NGO) na Masaganang Ani Para sa Magsasaka Foundation (MAMFI); Regional Executive Director Dennis Araullo, at Regional Technical Director Rodolfo Guieb, kapwa nakatalaga sa Department of Agriculture-Regional Unit IV; at Nathaniel Tan, kinatawan ng MAMFI.

Nakapaloob sa kaso na binigyan ni Reyes ng “unjustified benefit” ang MAMFI para sa pagbili ng 3,240 bote ng liquid fertilizer sa kabila ng kawalan nito ng public bidding.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Binigyang-diin din ng OSP ang pagpapalabas ni Reyes ng P3.25 milyon para sa MAMFI kahit hindi kuwalipikado ang huli sa pagpapatupad ng Farm Inputs and Farm Implements Program, dahil hindi ito nagsumite ng kumpletong papeles para sa akreditasyon nito.

Akusado si Reyes sa pamamaslang sa mamamahayag na si Gerry Ortega noong 2011, habang si Sula ay isa sa mga testigo sa pork barrel fund scam laban kina dating Senators Ramon Revilla Jr., Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile.

(Rommel P. Tabbad)