Patay na nang matagpuan ang drayber ng isang congressman sa loob ng sasakyan sa compound ng House of Representatives sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.

Hindi na humihinga nang madatnan si Roberto dela Cruz, 37, ng Pasay City, sa loob ng sasakyan ng kanyang amo, Samar First District Rep. Edgar Mary Sarmiento dakong 6:30 ng gabi sa parking lot ng Kongreso sa kahabaan ng Batasan Road sa Barangay Batasan Hills.

Bago madiskubre ang bangkay, makailang beses na umanong tinawagan sa cellphone si Dela Cruz ng isa sa mga staff ng congressman ngunit hindi umano sumasagot hanggang sa hinanap na niya ang drayber.

Ayon sa mga pulis, habang umaandar ang makina ng sasakyan ay wala pa ring imik si Dela Cruz. Dito na umano napilitan ang mga security officer na basagin ang bintana ng sasakyan at wala pa ring malay si Dela Cruz.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Agad nilang isinugod ang drayber sa East Avenue Medical Center ngunit huli na ang lahat.

Wala namang nakitang sugat sa katawan ng biktima at habang isinusulat ito ay hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya, ayon sa pulis.

Sa kanyang Facebook page, ipinahayag ni Sarmiento ang kanyang pagdadalamhati sa pagkamatay ni Dela Cruz.

“He has tirelessly and faithfully served my family even before I was elected as a Representative of the First District of Samar,” pahayag ni Sarmiento.

Inulila ni Dela Cruz ang kanyang misis na si Carla at kanilang dalawang anak, ayon kay Sarmiento.