Malabo nang magkasagupa sa loob ng ring sina Donnie “Ahas” Nietes at pound for pound king Roman “Chocolatito” Gonzalez dahil sa huling tagumpay na nakamit ng undefeated Nicaraguan champion kontra kay Mexican Carlos Cuadras nitong Linggo sa The Forum, Inglewood, California sa Estados Unidos.

Para kay ALA Gym head trainer at dating two-time world title challenger Edito “Ala” Villamor, mananatili na lamang isang dream fight ang Nietes-Gonzalez match para sa kanya at sa boxing fans sa buong mundo.

“Talagang dream fight iyon at siguradong maganda ang laban dahil action-packed iyon,” sabi ni Villamor sa Philboxing.com. “But I think ang tsansang mangyari iyon eh1 napakaliit kasi lumaban na si Gonzalez sa 115 pero si Donnie kaaakyat pa lang sa 112 pounds.”

Lumaban si Gonzalez sa mas mataas na dibisyon noong Linggo at inagaw ang World Boxing Council (WBC) super flyweight belt ni Cuadros para matamo ang ikaapat na division title sa salpukang posibleng magkaroon agad ng rematch.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naniniwala si Villamor na bagama’t napanatili ni Gonzalez ang punching power nito sa mas mabigat na dibisyon, makakaya pa ring ihatag sa Nicaraguan ang unang talo.

“Hirap siyang lumaban kapag umaatras siya. Pero kung siya ang magdidikta ng laban, ayun makapagpapakawala siya ng mga suntok mula sa iba’t ibang direksiyon,” ani Villamor.

Kasalukuyang seryosong nagsasanay ang 34-anyos na Nietes sa Wild Card Gym ni Freddie Roach para sa September 24 showdown niya kay dating world champion Edgar Sosa sa main event ng ALA Promotions’ Philippines vs. Mexico sa StubHub Center, Carson, California. (Gilbert Espeña)