Balik sa porma ang grupo ni Grandmaster Eugene Torre, habang nanaig din ang women’s team – nagdiwang sa pormal na pagkopo ni Janelle Frayna sa GM title – matapos ang ika-10 round nitong Lunes (Martes sa Manila) sa 42nd World Chess Olympiad sa Baku Azerbaijan.
Winalis ng 53rd seed men’s team ang nakatapat na 63rd seed Scotland, 4-0, habang naungusan ng 46th seed women’s team ang 12th seed Italy, 2½- 1½, para patatagin ang kani-kanilang kampanya tungo sa penultimate round ng prestihiyosong torneo.
Binigo ni GM Julio Catalino Sadorra (2560) ang nakatapat na si IM Andrew Greet (2455) habang sinundan ito ni GM John Paul Gomez (2492) na pinabagsak si GM John Shaw (2454). Tumatag naman ang kampanya ni GM Eugenio Torre (2447) sa individual title sa panalo kontra FM Iain Gourlay (2393) bago kinumpleto ni GM Rogelio Barcenilla (2455) ang dominasyon ng Pinoy sa panalo kontra FM Neil Berry (2315).
Napanatili ng 64-anyos na si Torre – sumabak dito sa ika-22 Olympiad – ang pangunguna sa individual play sa natipong siyam na puntos.
Kasalukuyang inokupahan ng 53rd seed na Pilipinas ang ika-39 puwesto sa team standings tangan ang kabuuang 26 ½ puntos mula sa 12 match points at makakalaban ang 45th seed na Australia na may natipon naman na 23½ puntos sa ika-11 round.
Muli namang sinandigan ni Frayna (2281) ang women’s team sa panalo kontra International Master na si Olga Zimina (2389) sa Board 1 para mas mapataas pa ang kanyang rankings.
Tanging nabigo sa koponan si WIM Jan Jodilyn Fronda (2128) kontra kay FM Marina Brunello (2376) habang nagwagi din sa Board 4 si WFM Mendoza Shania Mae (1965) kontra WFM Desiree Di Benedetto (2183). Nakihati naman sa puntos si Christy Lamiel Bernales (2065) kay WFM Daniela Movileanu (2268).
Pormal nang idineklara ang pagiging GM ni Frayna matapos makumpleto ang kinakailangang puntos. Sa kasalukuyan, nagwagi siya sa tatlong GM player na nakaharap sa torneo.
Inokupahan ng 46th seed na Pilipinas ang ika-23rd sa team competition tangan ang kabuuang 25 puntos habang makakasagupa nito sa ika-11 at huling round ang 12th seed na Lithuania na may natipong 26 puntos. (Angie Oredo)