Ibinunton ng 46th seed Philippine women’s team ang ngitngit sa 62nd seed Belgium sa pagtala ng 4-0 sweep para makabalik sa kontensyon, ngunit tinamaan ng lintik ang 53rd seed men’s team sa 1.5-2.5 kabiguan sa 14th seed Spain sa ikawalong round ng 42nd Chess Olympiad nitong Sabado sa Baku Crystal Hall sa Baku, Azerbaijan.

Nakabawi ang Pinay mula sa 1-3 kabiguan sa 8th seed Hungary nitong Biyernes nang manaig sina Woman International Masters Janelle Mae Frayna, Jan Jodilyn Fronda, Catherine Pereña-Secopito at WFIDE Master Shania Mae Mendoza kontra kina WFM Hanne Goossens, untitled Wiebke Barbier, Sarah Dierckens at Astrid Barbier.

Sa kasalukuyan, nakasama ang Pinay sa ika-13 hanggang ika-21 puwesto sa overall team standings.

Makakasagupa ng Pilipinas sa ikasiyam na round ang 15th seed Mongolia.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Napag-iwanan naman ang men’s team matapos mabigo sina United States-based Grandmasters John Paul Gomez at Rogelio Barcenilla, Jr. kina GMs Francisco Vallejo Pons at David Anton Guijarro sa Board 1 at 3.

Ang kambal na talo ay humatak pababa sa itinalang panalo ni GM Eugenio Torre kay GM Ivan Salgado Lopez sa second board at draw naman ni IM Paulo Bersamina kay GM Jose Carlos Ibarra Jerez sa Board 4 at nagbigay ng ikalawang sunod na kabiguan ng bansa matapos ang pagkatalo sa 36th seed Italy sa ikapitong round.

Naging konsolasyon ang patuloy na pananalasa ng 64-anyos na si Torre na nanatiling walang talo sa torneo para sa mataas na performance rating.