“Wala kang kwentang kaibigan, magnanakaw ka, may araw ka rin!”

Ito umano ang pagbabantang natanggap ng isang binatilyo bago siya inabangan at pinagsasaksak ng ‘di kilalang suspek sa San Andres Bukid, Manila, kamakalawa ng gabi.

Nagtamo ng isang tama ng saksak sa dibdib si Mark Basal, 21, binata, ng 2532 Granate Street, San Andres Bukid, Manila, habang inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan nang tumakas na suspek na inilarawang nakasuot ng puting sando nang mangyari ang insidente.

Sa ulat na isinumite ni PO3 Ryan Jay Balagtas kay Police Sr. Insp. Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na bago ang pananaksak ay nakatanggap ng pagbabanta ang biktima sa pamamagitan ng text message.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Ayon kay Kevin Basal, pinsan ng biktima, dakong 6:50 ng gabi, naglalakad sila ni Mark sa Zobel Roxas Avenue, sa kanto ng Onyx Street, nang bigla umano silang salubungin ng suspek at walang sabi-sabing pinagsasaksak sa dibdib ang biktima at kumaripas papalayo.

Isinugod ni Kevin ang pinsan sa Sta. Ana Hospital ngunit makalipas ang mahigit kalahating oras ay namatay din.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Mary Ann Santiago)