KUNG si Sen. Panfilo Lacson ang paniniwalaan, may nakasingit pa rin daw na multi-bilyong pisong (P24 bilyon) pork barrel (PDAF) sa 2017 national budget ng Duterte administration para sa mga kongresista. Sinabi ni Lacson na kailanman ay hindi kumuha ng kanyang P200 milyong PDAF bawat taon, na kung ang nasabing pambansang budget ni Mano Digong ay para sa tunay na pagbabago (budget for real change), bakit daw ang mga mambabatas ay pinapayagang tumukoy pa rin ng mga proyekto sa expenditure plan na sila mismo ang pipili at mag-aawtorisa? Ang mga senador yata ay wala pang proposals.

Nanindigan si Lacson na ipatatanggal niya ang mga proposal na ibinigay ng ilang mambabatas sa Department of Budget and Management (DBM) matapos silang payagan ng Malacañang na magsumite ng mga proyekto na nagkakahalaga ng P80 milyon kada congressman na isasama sa P3.35 trillion National Expenditure Program (NEP) para sa 2017. Tanong ni Lacson: “It’s like we’re going back to PDAF, because why would legislators identify projects? They will be the ones to administer and mind where to allocate the funds?”

Dapat nating tandaan na kung walang pakinabang ang mga kongresista at senador sa alinmang administrasyon noon at ngayon, hindi sila mapasusunod ng sinumang pangulo sa kagustuhan nito upang maipasa ang kanyang legislative agenda. Ganito ang nangyari noon sa GMA at PNoy administrations. Laging may PDAF para sa mga mambabatas at “pampadulas”, tulad ng DAP na nagkakahalaga ng ilang bilyong piso para yumuko at sumunod sila sa anumang gusto ng Punong Ehekutibo.

In-affirm o sinustinihan ng Supreme Court ang indictment o pagsasampa ng kaso ng Office of the Ombudsman laban kay Janet Lim-Napoles at tatlo pang kasama upang kasuhan ng graft kaugnay ng multi-billion peso pork barrel scam. Siya ay kinasuhan ng three counts ng graft, malversation of public funds at corruption of public officials tungkol sa anomalous disbursements umano nina ex-Cagayan de Oro Rep. Constantino Jaraula (P50 milyon) mula noong 2004-2007, at ex-Benguet Rep. Samuel Dangwa (P54 milyon) mula noong 2004-2007.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Determinado si Pres. Rodrigo Roa Duterte na pulbusin ang bandidong Abu Sayyaf Group dahil sa patuloy na pangingidnap at paghahasik ng karahasan sa Basilan, Sulu at kalapit na mga lugar. Nasagad ang pasensiya ni President Rody nang pugutan ng ulo ng ASG ang isang 18-anyos na hinihingan ng P1 milyong ransom gayong ang pamilya ng biktima ay hirap na hirap sa buhay. Naniniwala si Mano Digong na mapupulbos ang ASG sa loob ng isang linggo bunsod ng walang puknat na operasyon ng military.

Si Mother Teresa ay ipoproklama ngayon bilang Santa, Setyembre 4. Hindi magbibitiw si Sen. Leila de Lima bilang kasapi ng Senado sa kabila ng walang-tigil na pagbatikos at paninira sa kanya ng Pangulo. Iniuugnay din siya sa pamilya ng mga Espinosa—kina Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at sa drug lord na anak niyang si Kerwin. Nakunan pa nga si Sen. Leila na kasama si Kerwin at isang babae sa Baguio City noong Marso. Sabi ni Leila: “I dont know the Espinosas.”

Makakaharap ni Pres. Rody si US Pres. Barack Obama sa Asean meet sa Laos. Sabi ng isang observer: “Naku, kalma lang ha. Bawal doon ang pikon.” Sa pagsasalita ni RRD, sana ay mapigilan niya ang pagmumura dahil bukod yata kay Obama ay dadalo rin si Russian Pres. Vladimir Putin. (Bert de Guzman)