Pinagbabaril at napatay ng isang security guard ang isang lalaki, sinasabing may diperensya sa pag-iisip, na minsan na umanong nagnakaw sa opisinang pinatatrabahuhan niya.

Tatlong tama ng bala sa batok at katawan ang ikinamatay ni Mark Anthony Polea, 26, ng 11th Atlanta Street corner Delgado St., Port Area, Manila.

Ayon kay SPO2 Joseph Kabigting, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), sumasailalim na sa imbestigasyon si Jose Acedillo Yamson, 44, security guard at residente ng Barangay 20, 309 Gate 17, Parola Compound, Tondo, Manila.

Ayon kay Yamson, minsan na umanong ninakawan ni Polea ang binabantayan niyang tanggapan at muling namataan sa lugar kaya’t hinabol umano niya ang biktima at hinampas ng baril sa ulo.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Nagawa pa umanong tumakbo ni Polea at tinangkang tumakas kaya nagdesisyon na umano si Yamson na pagbabarilin ang una.

Sa impormasyong nakalap ng pulisya, nadiskubreng may diperensiya sa pag-iisip ang biktima at makailang beses na umanong ipinasok sa National Center for Mental Health.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)