Itutumba si Pangulong Rodrigo Duterte, gamit ang imported na armas na galing sa Amerika.
Ito ang nabunyag nang matisod ng mga awtoridad ang gun smuggling syndicate na nagbebenta ng armas, kung saan isang kliyente umano nila ang nagsabing papatayin nila ang Pangulo.
Sa press conference sa Camp Crame, sinabi ng naarestong suspek na si Wilford Palma na isa sa kanilang kostumer ang nagsabing gagamitin sa pagpatay kay Duterte ang mga inorder na armas.
“He told Bryan Ta-ala that they have a plan to assassinate President Duterte using the firearm part they ordered,” ayon kay Palma. Ang usapan ay narinig umano nito noong mga unang linggo ng Agosto.
Si Ta-ala na may-ari ng mga puslit na gamit ay naaresto din, ngunit isinugod ito sa ospital matapos atakehin ng high blood pressure.
Operasyon sa Bacolod
Unang sinalakay ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang gun smuggling syndicate na nagbebenta ng imported na gun parts at accessories sa Bacolod City.
Bukod sa pagbebenta ng mga puslit na gamit sa online, supplier din umano sa mga lehitimong gun shops ang sindikato na pinamumunuan ni Bryan Ta-ala, ayon kay Chief Supt. Roel Obusan, CIDG director.
Umaabot sa P4.5 milyong halaga ng gun parts at accessories na galing pa sa Amerika ang nakumpiska.
“The modus operandi of this group is using fictitious names and false documents in claiming the packages with the contraband of different firearms component parts which are bought in the United States and shipped to the country through the use of legitimate international cargo forwarders,” ayon kay Obusan.
Isurender ang gun parts
Nanawagan naman si Director General Ronald dela Rosa sa mga bumili kay Ta-ala na isurender ang kanilang nabili.
“If they would not do it, then we will run after them because it is very dangerous that these accessories land on the hands of civilians,” ayon pa sa hepe ng Philippine National Police (PNP).
Kahapon, siyam na buyer na ang nagsauli ng mga gamit na nabili mula kay Ta-ala.
Mas marami pa dito ang inaasahan ni Dela Rosa sapagkat dalawang taon na umano sa operasyon si Ta-ala.
(Aaron Recuenco)