PLANO ng Land Transportation Office (LTO) na pabilisin ang sistema sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho, kasabay ng pagpapatupad ng limang taong validity extension, iniulat ng UNTV.
Nais ng ahensya na pabilisin ang proseso nito sa pamamagitan ng computerized system para sa eksaminasyon ng mga aplikante.
Layunin nitong masiguro na sapat ang kaalaman at kakayahan ng mga aplikante sa pagmamaneho.
Sa isang panayam sa programang “Get It Straight with Daniel Razon,” sinabi ni LTO Chief Edgar Galvante na nais nilang maging kumbinyente ang proseso para sa mga aplikante.
“Those who will take the exam will be done in computer and immediately they will get the results,” pahayag ni Galvante.
Sa pamamagitan ng prosesong ito, naniniwala rin ang ahensya na maiiwasan ang pandaraya sa eksaminasyon.
“Meron kaming nakukuhang balita na sabi nila kapag ikaw ay kukuha ng lisensya, bibigyan ka ng test paper. Lalagyan mo na lang ng pangalan. Isa-submit mo na lang. Ibig sabihin may sagot na. Definitely, kung mai-impose na natin ito through computer system mawawala na yung ganito,” paliwanag ni Galvante
Samantala, nakikipagtulungan na ang LTO sa ilang pribadong kumpanya kaugnay sa karagdagang pasilidad na magagamit sa test driving.
Aminado ang opisyal na limitado lamang ang espasyo ng ahensya para sa pagte-test drive upang masuri ang kakayahan ng isang aplikante sa pagmamaneho.
Umaasa si Asec. Galvante na susuportahan sila ng mga pribadong kumpanya kaugnay sa karagdagang pasilidad.
Ang mga nabanggit na reporma na nais ipatupad ng LTO ay may kinalaman sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pabilisin ang proseso at magkaloob ng mas magandang serbisyo sa publiko.