Melvin

Nangyari na ang kinakatakutan ng mag-asawang Melvin at Meriam Odicta nang itumba ang mga ito sa seaport sa Aklan kahapon ng madaling araw, apat na araw matapos sumuko kay Interior and Local Government Secretary Mike Sueno at nakatakda sanang magsalita hinggil sa pagkakasangkot umano ng mga senador, kongresista at iba pang opisyal ng pamahalaan sa droga.

Ang mag-asawa ay pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang drug lords.

Sa report ni Senior Supt. Dionardo Carlos, spokesman ng Philippine National Police (PNP), pinaulanan ng bala ng mga hindi pa nakilalang salarin ang mag-asawa, habang pababa ang mga ito sa RORO (Roll On-Roll Off) ship sa Caticlan Jetty Port, dakong 1:30 ng madaling araw.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

“They were walking along a walkway towards the port office when they were shot. They were taken to the nearby hospital but were pronounced dead on arrival,” ayon kay Carlos.

Apat na araw na ang nakakaraan nang makipagkita ang mag-asawang Odicta kay Sueno sa Camp Crame. Nais umano ng dalawa na linisin ang kanilang pangalan.

Sinabi ni Sueno na si Melvin Odicta at alyas Dragon ay iisa, at siya ang pangunahing supplier ng droga sa Iloilo at iba pang lugar sa Western Visayas. Samantala sumuko ang mga ito matapos umanong makatanggap ng death threats.

Lawmakers papangalanan sana?

Ilang oras bago magpulong sina Sueno at ang Odicta couple, nagpalabas ng media invitation ang Department of the Interior and Local Government (DILG), para i-cover ang dapat ay pagbubunyag ng mag-asawa sa pagkakasangkot umano ng mga senador at mambabatas sa droga.

Sa media invitation, si Melvin Odicta ay inilarawan bilang drug financier at kabilang sa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

“Odicta said he will reveal his own matrix of other personalities involved, including senators, congressmen and other local officials,” nakasaad sa media invitation ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Gayunpaman, walang matrix na nabunyag sa dapat ay press briefing sa Camp Crame noong nakaraang Huwebes.

Confidential documents

Sa interview, inihayag ni Sueno ang confidential documents na ipinakita sa kanya ng mag-asawang Odicta. Pinayuhan umano niya ang mag-asawa na ipasa sa CIDG ang dokumento.

Sinabi naman ng CIDG na wala namang confidential documents silang natatanggap at ang naganap lang ay ang pagtanggi ni Melvin na siya si alyas Dragon.

Ang nasabing confidential documents ay lumitaw na kopya ng conviction ni Melvin sa kasong pag-iingat ng marijuana, may ilang taon na ang nakakaraan.

Bakante na---Duterte

Sa reaksyon ni Pangulong Duterte, wala umano siyang masabi, masama man o mabuti.

“Inabot siya ng malas. Sino ‘yung gustong sumunod dito kay Odicta? Bakante ngayon, patay na raw,” ayon sa Pangulo.

TF itinatag

Samantala bubuo umano ng task force ang Philippine National Police (PNP) para imbestigahan ang pagpatay sa mag-asawa.

Malaki umano ang hinala ng pulisya na ‘business associates’ ng mga Odicta ang pumaslang sa kanila.

(Aaron Recuenco at Fer Taboy)