ANG paglulunsad ng medical-dental mission at bloodletting tuwing ika-26 ng Agosto ay bahagi na ng pagdiriwang ng kaarawan ni dating Rizal Gov. Ito Ynares, Jr.

Ang libreng gamutan at bloodletting ay ginawa sa Ynares Plasa. Ang reach out program na ito ng dating gobernador ay handog niya sa mga taga-Binangonan, Rizal na kanyang mga kababayan. Sinimulan noong alkalde pa siya ng Binangonan hanggang sa maging gobernador ng Rizal. At kahit isa na siyang karaniwang mamamayan, hindi nalilimutan ni Ito Ynares, Jr. ang kanyang mga out reach program bilang pasasalamat at pagbabahagi na rin ng kanyang mga biyayang natanggap.

Aabot sa 261 pasyente ang nakinabang sa libreng gamutan na binubuo ng mga bata at matatanda mula sa iba’t ibang barangay sa Binangonan at Talim Island. Sa dental ay 150 matanda ang nakinabang sa libreng bunot, habang 313 naman sa mga bata.

Bukod sa mga nabanggit, aabot sa 252 senior citizen ang nabigyan ng libreng bakuna kontra pneumonia. Nasa 75 naman sa libreng eye check up at 1, 270 naman ang nabigyan ng libreng salamin sa mata. May 75 sa reflexology at 150 sa blood sugar determination.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa bloodletting ay marami ang gustong maging blood donor ngunit hindi nakapasa. Dahil dito, umabot lamang sa 320 bag ng dugo ang nakuha. Ibibigay ang mga ito sa mga ospital sa Jalajala, Morong, Pililla, Angono, Antipolo at Montalban.

Ang nangunang barangay na blood donor ay ang Barangay Darangan, pangalawa ang Barangay Lunsad at pangatlo naman ang Barangay Pag-asa. Ang gantimpala sa una ay isang mini-dump truck, tricycle patrol sa pangalawa, at 10 kaban ng bigas sa pangatlo. Ang mga blood donor naman ay binigyan ng limang kilong bigas at grocery items.

Ang medical-dental mission at bloodletting ay pinamahalaan ng medical team ng Rizal Provincial Health Office, sa pangunguna ni Dr. Iluminado Victoria, provincial officer, ng Binangonan Municipal Health Center at ng mga volunteer nurse, dentista at doktor sa Binangonan at iba pang bayan sa Rizal na may puso sa pagtulong sa mga kalalawigan.

Habang isinasagawa ang medical-dental mission at bloodletting, isang simpleng programa ang inihanda sa Ynares Plasa.

Naging mga panauhin sina Antipolo City Mayor Jun Ynares, Binangonan Mayor Cesar Ynares, at ang mga miyembro ng Sanggunian Bayan. Dumalo rin ang mga opisyal ng iba’t ibang barangay ng Binangonan.

Sa bahagi ng mensahe ni Antipolo City Mayor Jun Ynares, pinasalamatan niya ang lahat ng nakiisa sa medical-dental mission at bloodletting na ang mga bag ng dugo ay malaking tulong sa mga taga-Rizal.

Ang mga nakinabang sa medical at dental mission ay taos-pusong nagpapasalamat kay Ito Ynares, Jr. sapagkat hindi sila nakalilimutang tulungan tuwing sasapit ang kanyang kaarawan. Sa kanilang mga dasal ay kasama lagi ang dati nilang mayor at governor na pagpalain ng Poong Maykapal. (Clemen Bautista)