Isa sa apat na lalaki na lulan ng dalawang motorsiklo, na hinihinalang mga holdaper, ang napatay ng mga nagpapatrulyang pulis sa engkuwentro matapos umano silang hagisan ng granada sa Malate, Manila, kahapon ng madaling araw.

Ang napatay na suspek ay tinatayang nasa edad 35-40, may taas na 5’5” hanggang 5’7,” malaki ang pangangatawan, may tattoo ni Mama Mary sa kaliwang braso at mukha ng demonyo sa kanang braso.

Sa report ni SPO4 Glenzor Vallejo, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na nangyari ang insidente dakong 2:20 ng madaling araw sa panulukan ng Singalong St., at Kapitan Ticong St., Malate, Manila.

Nagpapatrulya umano si Police chief Ins. Paulito Sabulao, commander ng Adriatico Police Community Precint (PCP), at mga kasamahang pulis nang mamataan nila ang apat na suspek na magkakaangkas sa motorsiklo, kaya sinita nila ang mga ito.

Papalapit na umano ang sasakyan nina Sabulao nang bigla na lang silang hagisan ng granada ng isa sa mga suspek.

National

'Speech' ng mga politiko tuwing bahagian ng ayuda, ekis na—PBBM

Masuwerte namang hindi sumabog ang granada na sinamantala ng mga pulis at kaagad pinagbabaril ang mga suspek, ngunit isa lamang sa mga ito ang tinamaan. (Mary Ann Santiago)