Pinayagan ng Sandiganbayan si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at kanyang asawa na si dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo na makapagbiyahe sa Europe.
Kinatigan ang mosyon ni Arroyo na makapunta sa ibang bansa sa inilabas na ruling ng 4th division. Ito ay sa kabila ng patuloy na paglilitis sa kaso nito na graft at breach of the code of conduct of public officials.
“Acting on accused Gloria Macapagal-Arroyo’s motion to travel abroad, and after considering the prosecution’s comment opposition thereto, the Court resolves to grant said accused permission to travel abroad to Munich, Germany; Paris, France; and Hong Kong, Special Administrative Region of China,” ayon sa korte.
Magtutungo ang mag-asawa sa Germany at France mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 3, at sa Hong Kong mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4. Posibleng magpa-stem cell treatment ang dating Pangulo sa Munich, Germany at magbakasyon sa Paris, France. (Rommel Tabbad)