SA pagnanais ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tuparin ang kanyang election campaign promise kay Sen. Bongbong Marcos na kapag siya ang nahalal na pangulo, ipalilibing niya ang bangkay ni ex-Pres. Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng Mga Bayani (LNMB) upang mawala na ang dibisyon o pagkakahati-hati ng mga Pinoy. Ito ay umaani ngayon ng mga pagbatikos at galit mula sa mga pamilya ng martial law victims at mismong mga mamamayan na nakalasap ng mapait na karanasan sa rehimen ng diktador.

Sabi nga ng mga kritiko sa FM burial, ang pangako ni RRD ay para kay Sen. Bongbong lang at kanyang pamilya. Hindi niya ito pangako o campaign promise sa taumbayan na bumoto sa kanya dahil naman sa pangako niyang susugpuin ang talamak na ilegal na droga sa bansa sa loob ng 3-6 na buwan. Naniwala rin ang mga tao na isusulong niya ang tunay na PAGBABAGO (Change is Coming). Layunin niya na sa pagpapalibing kay FM, maghihilom na ang mga sugat na likha ng martial law, mapapawi ang pagkakawatak-watak o dibisyon ng mga mamamayan bunsod ng rehimeng sumupil sa kalayaan at demokrasya.

Marahil ay dito posibleng magkamali si Mano Digong. Marami pang mga tao ang nabubuhay nang ideklara niya ang martial law na nakasaksi sa libu-libong kabataan na pinatay, biglang nawala at ikinulong. Ang kanilang mga pamilya ay saklot pa rin ng lungkot at pagkagalit sa pagkamatay ng mga mahal sa buhay. Samakatuwid, sa halip na paghilumin ang sugat, ito ay muling mananariwa, magnanaknak at muling uusbong ang pagkamuhi sa mga Marcos na kaibigan ni President Rody.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Maaaring lalong sumiklab ang pagkakahati-hati ng mga Pinoy na nais niyang pawiin. Anyway, landslide ang panalo ni RRD sa Ilocos region.

Paano raw papayagang mailibing si FM sa LNMB gayong sa loob ng maraming panahon ay dinomina niya ang kapangyarihan ng ‘Pinas, sinupil ang oposisyon, sinara ang Kongreso, ikinandado ang mga tanggapan ng media, tinuta ang Supreme Court?

Paano raw bibigyan ng hero’s burial si Apo Macoy na pinalayas sa Malacañang dahil sa kasamaan ng martial law?

Tama, siya ay dating pangulo at sundalo, pero sabi ng mga kritiko ay puwede naman siyang ihimlay sa Batac, Ilocos Norte na ang mga tao roon ay itinuturing siyang isang bayani at dakila. Doon ay matatahimik siya, walang gulo at walang kokontra tulad ngayon. Tandaan na pinayagang maiuwi ang kanyang bangkay mula sa Hawaii noong panahon ni FVR sa kondisyong sa Ilocos siya ililibing at bibigyan ng military honors bilang isang Major na huli niyang posisyon sa military.

Abangan na lang natin ang susunod na kabanata sa kasaysayan ng ating bansa. Tingnan natin kung mapaghihilom ni Mano Digong ang sugat ng kahapon, mapapawi ang pagkakahati-hati ng mga Pinoy sa pamamagitan ng pagpapalibing sa bangkay ni FM sa LNMB.

By the way, alam ba ninyong isang Pinay pala ang naging yaya ni Singapore Olympic gold medalist na si Joseph Schooling na tumalo sa legendary US swimmer na si Michael Phelps? Siya ay si Yolanda Pascual na nag-alaga kay Schooling sa loob ng 19 na taon. Mabuhay ka, Lourdes. Mabuhay ang Pinay! (Bert de Guzman)