Rio Olympics Athletics

Olympic ‘Sprint title’, napanatili ng Jamaican star.

RIO DE JANEIRO (AP) — Wala pang 10 segundo ang kinailangan ni Usain Bolt para pawiin ang anumang alinlangan sa kanyang katayuan sa kasaysayan ng Olympics.

Sa bilis na 9.81 segundo, kinumpleto ng Jamaican superstar ang Olympic three-peat sa 100-meter sprint laban sa dalawang naghahangad na agawin ang korona bilang ‘Fastest Man’ nitong Linggo (Lunes sa Manila).

BALITAnaw

ALAMIN: Mga dapat mong malaman tungkol kay Jose Rizal

Ginapi ni Bolt si American Justin Gatlin, nakatanggap nang walang humpay na pangungutya mula sa crowd, may .08 segundo ang distansiya. Nakopo ni Andre de Grasse ng Canada ang bronze medal.

Matapos ipagbunyi ang makasaysayang 23 gold medal ni Michael Phelps sa swimming, nalipat ang atensiyon sa isa sa may pinakamalakas na karisma na atleta sa mundo.

Nakamit ni Bolt ang ikapitong Olympic gold medal at may pagkakataon na pa para sa triple-triple sa kanyang pagsabak sa 200-meter at 4x100 relay na kapwa niya nadomina sa nakalipas na dalawang edisyon ng quadrennial Games.

“I told you guys I wanted to set myself apart from everybody else,” pahayag ni Bolt. “This is the Olympics that I have to do it at, so I came here focused and ready to go and it was brilliant.”

“Yeah, that’s what I’m here to prove. That’s what I’m here to prove again and again. I just want to be among the greatest, so that’s why I am here.”

Tulad sa nakalipas na laban, mabagal ang simula ng 6-foot-5 sprinter/celebrity sa pagputok ng starting gun – ikalawa siya sa huli – bago unti-unting uminit na tila makina ang paa ng Jamaican star at nagawang mahabol si Gatlin sa ika-40 metro at tuluyang sumirit sa finish line.

Nakaturo sa langit ang hintuturo ni Bolt matapos makatawid sa finish line, tanda ng pangunguna at pagdiriwang ng Jamaica at ng kanyang mga tagahanga.

Umalingaw ang hiyawan na “Bolt, Bolt, Bolt!” habang pumorma sa kanyang “To the World” na imahe na pinasikat niya nang kunin ang triple gold sa 2008 Beijing Games.

Matapos ang kasiyahan ay ang malungkot na katotohanan. Sa edad na 30, muling iginiit ni Bolt na ang Rio ang kanyang huling paglahok sa Olympics.

“A true, true warrior of the sport,” pahayag ng kanyang kasanggang si Yohan Blake.

“To come back ... and win it three times. He is a one-of-a-kind sprinter. He really is.”