Natagpuang palutang-lutang ang bangkay ng isang lalaki na sinadya umanong tumalon sa Pasig River noong Biyernes ng hapon sa pag-aakalang hinahabol siya ng mga kapwa kostumer sa isang bar noong Linggo ng gabi.

Namamaga na ang bangkay ni Raymond Revilla, 23, hardware helper, residente ng Baseco Compound, Port Area, Manila, nang madiskubreng palutang-lutang dakong 5:00 ng hapon noong Biyernes sa Pasig River, malapit riverbank ng Plaza Mexico, sa likod ng Bureau of Immigration (BI), sa Intramuros.

Base sa ulat ni PO3 Bernardo Cayabyab, may hawak ng kaso, kay Police Sr. Ins. Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District- Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), huling nakita ang biktima na nakikipag-inuman sa kanyang pinsang si Rodelio Basierra noong Linggo ng gabi.

Habang nag-iinuman, narinig umano ni Revilla na nagmumura ang isang kapwa kostumer at inakalang siya ang pinatutungkulan nito kung kaya’t nagalit ito at nagbasag ng bote.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Pinayapa naman umano ni Basierra ang biktima at niyayang umuwi na lamang.

Gayunman, habang naglalakad pauwi ay isa rin umanong grupo ng mga kostumer ang kasunod nilang lumabas ng beerhouse.

Inakala umano ng biktima na sinusundan sila ng naturang grupo kaya’t kaagad itong tumalon sa Ilog Pasig at hindi na lumutang pa. (Mary Ann Santiago)