BUKAMBIBIG ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang “I will kill you!” Madalas ding lumabas sa kanyang bibig ang “P*** i** n’yo!” lalo na kung siya’y nagagalit. Kahit nangako na siya na magiging “prim and proper”, malimit pa ring marinig ang gayong pagmumura. Ito ba ang tinatawag niyang “metamorphosis”?

Kakaiba talaga si Mano Digong sa mga naging pangulo ng bansa. Siya lang yata ang taga-Mindanao na naging pangulo.

Siya rin ang tanging presidente na nagmamalaki pang may dalawang First Lady--- sina Elizabeth Zimmerman (bagamat hiwalay na sila) at Honeylet Avancena (partner niya ngayon).

Macho at may pusong-bakal si Mano Digong, pero tumulo ang kanyang luha nang dumalaw sa mga sugatang kawal sa AFP Medical Center, niyakap si Lt. Jacuba na nabulag matapos masabugan ng landmines na itinanim ng New People’s Army (NPA). Nangako si President Rody kay Jacuba na tutulungan niya ang pamilya nito, pag-aaralin ang mga anak hanggang sa matapos.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Pabiro pa niyang binulungan ang nabulag na tenyente: “Hayaan mo, hindi ka dapat laging malungkot. Bibigyan kita ng magagandang babae araw-araw para malimutan mo iyan at nang hindi maburo ang iyong ut*n.” Hagalpakan ang mga kawal na binisita niya sa mga Army camp sa Capiz at sa Lapu-Lapu City, Cebu City dahil sa kanyang “sexy jokes” kasabay ang pangakong bibigyan niya ng modernong mga kagamitan ang mga sundalo at tataasan ang kanilang sahod.

Sa isang okasyon sa Davao City, nag-isyu si RRD ng “shoot-to-kill” order laban sa mga pulitiko na sangkot sa illegal drugs. Sinabi niya na dahil sa kanilang tiwaling gawain, ibinubulid ang bansa sa matinding krisis at ginagawang “baliw” ang mga kabataan sa paggawa ng mga kakila-kilabot na krimen, hindi lamang sa kapwa-tao kundi maging sa mga miyembro ng kanilang pamilya.

Inakusahan niya ang mga pulitiko na sumisira sa buhay ng mga Pilipino bunsod ng pagkagahaman sa salapi mula sa illegal drugs. Iginiit ng Pangulo na mahigit pa sa mga drug pusher at user ang mga pulitiko na protektor ng ilegal na droga kung kaya sila ay dapat ding mamatay. “P**ng i** ninyo. Did you not think about where this problem would lead us? It’s good that I am the President now. I will have you killed. Have you seen what you’ve done to the Philippines,” galit si Mano Digong.

Ang utos daw niya sa PNP na pinamumunuan ni Gen. Bato ay “shoot to kill”. Hindi raw niya iniintindi ang human rights, ang kanilang mga sinasabi. “This war is against drugs and we have a crisis.” Pero, Mano Digong, bakit pinatulog ni Bato sa White House si Albuera Mayor Rolando Espinosa gayong suspected drug lord ito sa Visayas? (Bert de Guzman)