Ni Edwin Rollon
Bukod sa garantisadong P5 million cash incentives batay sa naamyendahang Republic Act (RA) 10699, tatanggap din si weightlifter Hidilyn Diaz ng bagong house and lot bilang premyo sa kanyang pagkapanalo ng silver medal sa Rio Olympics nitong Linggo (Lunes sa Manila).
Ipinahayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez na ipagkakaloob ng 8990 Deco Homes – housing arm ng 8990 Holdings Inc. – na nakabase sa Davao City, ang bagong house and lot para kay Diaz.
“8990 Deco Homes is owned by Davao businessmen. Mga kaibigan natin sila and even before the Philippine delegation departed to Rio, they already committed to give house and lot to our athletes who win medals in Rio,” pahayag ni Ramirez.
Sinabi ni Ramirez na pormal na isasagawa ang awarding ng house and lot kay Diaz sa Biyernes. Nakatakdang dumating ang 25-anyos na pambato ng Zamboanga City sa Huwebes.
“Pinirmahan na namin ‘yung kontrata para sa house and lot ni Hidilyn,” sambit ni Ramirez.
Ikinalugod din ni Pangulong Duterte ang tagumpay ni Diaz matapos maiparating ni Ramirez kay Presidential Executive Secretary Salvador Medialdea ang balita.
“Tuwang-tuwa si Presidente,”aniya.
Ayon kay Ramirez, nakipag-ugnayan na ang PSC sa Malacanang, gayundin sa Philippine Olympic Committee (POC) para sa isang ‘ticker-tape’ parade.
“We’re very happy with Hidilyn’s silver medal win. For the first time, after 20 years ngayon nalang uli tayo magkakaroon ng ticker-tape parade para sa ating Olympian. Hidilyn deserved it,” pahayag ni Ramirez.
Sa pagkapanalo ng silver medal, si Diaz ang unang Pinay sa kasaysayan ng paglahok ng bansa sa Olympics na nagwagi ng medalya at kauna-unahan mula nang magwagi ng silver si boxer Mansueto ‘Onyok’ Velasco noong 1996 Atlanta Games.
Inulit din ni Ramirez ang sentro ng administrasyon ng Pangulong Duterte ang palakasin ang grassroots sports na programa at kabilang ang Zamboanga sa magiging benepesaryo ng tulong ng pamahalaan.
“Matagal na nating tinutulungan ang weightlifting bago pa makasama sa Olympics si Hidilyn noong 2008 Beijing Games. Maraming batang weightlifter ang naglalaro sa Zamboanga at iyan ang bibigyan natin ng higit na pansin,” aniya.
Matapos maamyendahan ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act sa nakalipas na taon, tumaas ang cash incentives ng Olympic silver medalist sa P5 million mula sa dating P2.5. Tatanggap namang ng P10 million mula sa dating P5M ang gold medalist at may P3 million mula sa dating P1M ang bronze winner.