Pinag-iingat ng Bureau of Customs (BoC) ang kababaihan laban sa ‘online lovers’.

Ayon sa BoC, matagal na umano silang nagpalabas ng babala sa publiko hinggil sa modus ng sindikato, ngunit hanggang ngayon ay nakakatanggap pa sila ng reklamo.

Sa report, kinakaibigan umano ng scammer ang kanilang target na biktima, paiibigin at sasabihang pinadalhan sila ng regalo sa pamamagitan ng balikbayan boxes.

Kadalasan ay pekeng tracking at shipping invoice umano ang ipinapadala ng ‘online lover’ sa kanilang biktima.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Mayroon din umanong kasabwat na nagpapakilalang Customs employees o local forwarder ng ‘galanteng boyfriend’ kung saan pagdating sa Customs, sasabihing hindi mailalabas ang bagahe dahil hindi pa bayad ang buwis nito. Ang siste, ang biktimang ‘girlfriend’ ay obligadong magbayad sa pekeng Customs employees.

Mayroon din umanong reklamo na ang biktima ay nakakatanggap ng tawag na nagsasabing ang kanilang online fiancé ay lumipad sa Pilipinas at hinarang sa airport dahil sa pagdadala ng valuables na hindi binayaran ng buwis.

Ang mga biktima ay inuutusan umanong magbayad ng buwis sa pamamagitan ng money remittance at bank deposits. Kapag nakapagbayad na, hindi pa rin nakukuha ng biktima ang bagahe, o kadalasan ay pinagbabayad uli ng hanggang tatlong beses.

Iginiit ng BoC na ang Customs duties at taxes ay binabayaran mismo sa accredited banks at nakapangalan sa BoC, hindi sa mga indibidwal na account.

Pinapayuhan din ng BoC ang publiko na kapag nakatanggap ng tawag mula sa Customs employees, puwede umano itong beripikahin sa pamamagitan ng muling pagtawag.