ISANG world-class city ang destinasyon ni Drew Arellano ngayong Biyernes sa Biyahe ni Drew.
Kahit ilang beses nang nabisita ni Drew ang Davao, may bago pa rin siyang natutuklasan sa bawat pagpunta niya. Sa Talikud Island na malapit sa mas sikat na Samal Island, luxurious vacation ang vibe. Dahil pribado, mas exclusive ang dating ng isla. Dito, susubukan ni Drew ang muck diving o macro underwater photography. Ang maliliit na sea creatures ang mga bida sa gitna ng nakamamanghang asul na karagatan.
Pupuntahan din niya ang Pearl Farm na isa sa mga pinakasikat na resort sa Samal Island. World-class ang dating nito, mula accommodations hanggang sa amenities. Pero ang naka-excite kay Drew ay ang flyboard, isang uri ng hover board na kayang paliparin ang nakasakay.
Five-course meal ang naghihintay sa kanya courtesy ng pamosong Marco Polo Hotel. Ang kanyang titikman? Kinilaw with bacon bagnet; roasted tomato soup in mozzarella cheese; quinoa and salmon salad with Davao vinaigrette; baby backribs with pomelo; at durian crème brulee para sa dessert.
Bibisitahin din ni Drew ang Claude’s Le Café, isang restaurant na mismong isang French chef ang nagpapatakbo. Pati nga raw ang oysters nila, galing pang France. Hindi rin palalampasin ni Drew na matikman ang tsokolateng gawa sa Mindanao—ang Malagos Chocolate.
Sama na sa Biyahe ni Drew ngayong Biyernes sa GMA News TV.