WALANG paghihiwalay sa pagitan ng Diyos at ng Estado. Ito ang pahayag ni President Rodrigo Roa Duterte (RRD) sa kanyang unang SONA (State of the Nation Address) noong Hulyo 25 na pinalakpakan nang 69 na beses ng mga senador, kongresista, diplomatic corps, at pinuno ng AFP at PNP. Bagamat maliwanag na nakasaad sa Constitution ang separasyon ng Simbahan at Estado, naniniwala si RRD na sa usapin ng Panginoong Diyos, hindi dapat magkaroon ng guwang ang dalawang institusyon.
Hindi bilib si Mano Digong sa Simbahang Katoliko na tinawag niyang “the most hypocritical institution” o sa wika ni Balagtas ay “Pinakamapagkunwaring Institutusyon” sa balat ng lupa. Gayunman, siya ay naniniwala na may Diyos subalit hindi sa ano mang relihiyon. May haka-haka nga ang mga kaibigan ko na ang dahilan ng hindi pagsunod ni President Rody sa mga aral ng Simbahan ay bunsod ng kanyang personal at moral na paniniwala.
Hindi ba’t mahilig siya sa babae? Hindi ba’t inamin niya na dalawa ang kanyang asawa? Bawal ito sa aral at paniniwala ng Simbahan. Siya ay tinaguriang “The Punisher” na pumapatay ng mga drug pusher, smuggler, kriminal, rapist-murderer ng wala nang imbestigasyon pa. Basta binaril niya ang mga ito on the spot. Para sa Simbahan, mali ito. Mahalaga ang buhay ng isang tao. Dapat ay idaan ito sa legal na proseso.
Well, ilang obispo ang pumuri sa pahayag ni Mang Rody na “No separation between God and the State”. Kabilang dito si Manila Auxilliary Bishop Broderick Pabillo na naghayag na “Kung siya ay seryoso sa kanyang pahayag, dapat ay sundin niya ang mga commandment, tulad ng ‘Thou Shall Not Kill.” Si Pabillo na chairman ng CBCP Episcopal Commission on Laity (CBCP-ECL), ay isa sa nanguna sa paglulunsad noong Lunes ng “Huwag Kang Papatay” campaign patungkol sa dumaraming pagpatay ng drug pushers at users ng PNP.
Bukod sa kanya, ang iba pa ay sina Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Sorsogon Bishop Arturo Bastes, Bataan Bishop Ruperto Santos, Marbel South Cotabato Bishop Dinualdo Gutierrez, at Basilan Bishop Martin Jumaod. Sa panig ni Bastes, dismayado siya sa pagbibigay-diin ni Duterte sa full implementation ng Reproductive Health (RH) Law. Ito raw ay magiging simula ng national calamity ng reduced population. By the way, ilan na ba ang populasyon ng ‘Pinas ngayon?
Aba, mahigit na yata sa 100 milyon at patuloy pang dumarami dahil sa hindi mapigilang panggigigil nina Mister at Misis.
Kakaiba talaga si Duterte sa mga naging pangulo ng bansa. Prangka at matapang, isinusulong niya ang restorasyon ng death penalty kahit kontra ang Simbahan. Papatayin niya ang mga drug lord at pusher kahit sa harap ng CHR. Nagdeklara ng unilateral ceasefire o tigil-putukan sa CPP-NPA-NDF, MILF, MNLF upang matamo ang kapayapaan. Pupuksain niya ang Abu Sayyaf na ginagamit ang relihiyon sa pangingidnap at paghingi ng ransom at nagdudulot ng kahihiyan sa Pilipinas.
Tidbits: Sa Sona, kinamayan ni Mano Digong si Sen. Leila de Lima, ang matinding fiscalizer ng The Punisher. Lilikha ng isang Superbody (Traffic Crisis Act) si RRD na siya mismo ang chairman tungo sa paglutas ng trapiko sa Metro Manila at Cebu. Binanatan ng US, Japan at Australia ang China sa patuloy na konstruksiyon at reklamasyon sa West Philippine Sea.
Sana ay matupad ni President Rody ang mga pangako niya noong kampanya upang guminhawa ang Pilipinas at ang mga mamamayan na malimit pangakuan ng mga pulitiko at kandidato, subalit laging nakanganga sa paghihintay sa katuparan ng pangakong laging napapako! (Bert de Guzman)