Isang ‘di kilalang lalaki, na isa umanong “Chinese drug lord”, ang pinagbabaril hanggang sa malagutan ng hininga sa Sta. Mesa, Manila kahapon ng madaling araw.
Inilarawan ang biktima na nasa 30 hanggang 35 taong gulang, 5’4” ang taas, nakasuot ng maong pants, itim na t-shirt at kulay gray na medyas.
Sa ulat ni PO3 Marlon San Pedro, ng Homicide Section ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong 3:00 ng madaling araw nang makarinig nang sunud-sunod na putok ng baril ang mga residente sa lugar.
Isang pedestrian ang nakadiskubre sa bangkay ng biktima dakong 3:30 ng madaling araw sa Zamora Bridge Interlink sa Sta. Mesa na nakahandusay sa pedestrian lane at duguan kaya’t kaagad na inireport sa kinauukulan.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, natuklasang ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ng biktima.
May cardboard din na natagpuan sa tabi ng bangkay na may katagang, “Chinese drug lord ako”.
Narekober ng mga awtoridad mula sa pinangyarihan ang anim na basyo ng bala ng kalibre .9mm at metal fragments.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)