Isang babaeng mukhang Chinese, hinihinalang biktima ng salvage, ang natagpuan sa likuran ng National Press Club (NPC) sa Intramuros, Manila kahapon ng madaling araw.
Ang biktima ay nakasuot ng striped na blouse na kulay violet, pantalong maong, at kulay asul at pink na sapatos.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, ang bangkay ng biktima ay natagpuan sa likod ng National Press Club Building sa Calle Muelle del Rio, malapit ng Jones Bridge, dakong 4:00 ng madaling araw.
Nakabalot umano ng duct tape ang bibig ng biktima, nakagapos ang mga kamay at may tama ng bala sa tagiliran at sa pisngi.
Naniniwala ang mga awtoridad na mula sa may kayang pamilya ang biktima dahil sa hitsura at pananamit nito.
Samantala, isang karton na may nakasulat na, “Chinese drug lord” ang nakita sa tabi ng bangkay kung kaya’t inaalam na rin ng mga awtoridad kung posibleng may kinalaman sa ilegal na droga ang pamamaslang sa biktima. (Mary Ann Santiago)