Sumugod sa Presidential Management Staff sa Malacañang ang 83 traffic enforcers ng Public Safety Department (PSD) o ang dating Makati Public Safety Assistance (MAPSA), upang ihatid ang sulat-apela kay Pangulong Rodrigo R. Duterte kaugnay sa umano’y hindi makatarungang pagsibak sa kanila ng pamahalaang lungsod ng Makati.
Malugod silang tinanggap ni Presidential Management Staff head, Undersecretary Christopher ‘Bong’ Go na nangakong isasangguni sa Department of Labor and Employment (DoLE) ang kanilang hinaing para sa kapanatagan ng lahat ng inalisan ng trabaho.
Sinabi ni PSD Spokesperson, Traffic Aide III Leonardo Terrinal, may 11 taon na siyang naninilbihan sa MAPSA at walang malinaw o balidong rason ang pagkakasibak sa kanila sa puwesto lalo na’t maayos naman umano nilang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa pangangasiwa ng trapiko sa lungsod.
“Nakalulungkot isipin na kaming maliliit na empleyado ay nadadawit sa sigalot ng pulitika sa lungsod. Natural po sa tulad namin na tumalima sa kung sino ang namumuno sa Makati, sa tawag ng tungkulin. Marami sa amin ang nakapagsilbi na mula sa panahon pa ni Dra. Elenita, dating Bise Presidente Jojo at Mayor Junjun Binay, pero nakapagtatakang ngayon lang kami sinibak sa trabaho ngayong pumasok na si Mayor Abby (Binay) na tanging paliwanag ay ‘endo’ o end of contract,” sabi ni Terrinal.
Karamihan sa mga tinanggal sa trabaho ay pawang nagtataguyod ng pamilya at pinag-aaral ang kanilang mga anak kung saan si Terrinal ay may pitong anak at lima dito ang nag-aaral pa mula pre-school hanggang kolehiyo.
Nagbigay ng isang linggong taning si Go sa DoLE upang himayin at pag-aralan kung paanong kongkretong matutulungan ang 83 traffic enforcers para mabigyang linaw ang kanilang kinahantungan. (Bella Gamotea)