CAMARINES SUR – Isang barangay chairman na sumuko kamakailan ang inaresto ng mga pulis nitong Biyernes ng gabi makaraang makumpirmang ipinagpapatuloy nito ang pagkakasangkot sa ilegal na droga.
Dakong 9:00 ng gabi nang arestuhin ng mga pulis sa Barangay Tariric si Domingo Serrano Banaga, alyas “Sandy”.
Sinabi ni PO3 Fatima Lanuza, tagapagsalita ng Minalabac Police, na inaresto si Banaga sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Timoteo Panga, ng Regional Trial Court sa Iriga City, dahil sa ilegal na droga.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, at isang .38 caliber revolver.
Ayon kay Lanuza, sumuko kamakailan sa awtoridad si Banaga dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga, kaya naman isinailalim siya ng pulisya sa monitoring.
Sinabi pa ni Lanuza na inaasahan na ng Philippine National Police (PNP) na maraming opisyal ng barangay ang maaaresto dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na droga. (Ruel Saldico)