Ipinabubuwag na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang party-list system sa bansa, sapagkat inaabuso lang umano ito at ang nakakaupo lang sa Kongreso ay ang mga makapangyarihan at “may pera.”
“Itong party-list, it will never come again,” ayon sa Pangulo, nang bumisita siya sa headquarters ng Army 60th Infantry Battalion sa Asuncion, Davao del Norte noong Biyernes.
Ang pagbuwag sa party-list ay igigiit umano ng Pangulo kapag naumpisahan na ang Charter change.
“I will insist: No party list. Inabuso na lahat yan eh,” pahayag ng Pangulo.
Ang Republic Act No. 7941 o Party-List System Act ay isinabatas upang bigyan ng pagkakataon ang “marginalized” at hindi nairerepresentang sektor, organisasyon at partido, na magkaroon ng kinatawan sa Kongreso.
Gayunpaman, hindi umano nasusunod ang intensyon dahil ang mga nakakaupo lang ay ang mga may pera.
“Ang nananalo ‘yung may pera, representing the what? Security guards,” ani Duterte, kung saan nakakainsulto umano ang pangyayari.
“Kasi... ‘yung pera, magbili ka (kahit) ano diyan, ‘united idiots association’. Tatakbo. Ayan. Nagkalat kayo diyan.
Kayong mga left, nandiyan. Marami kayo,” dagdag pa ng Pangulo.
Rebyuhin muna
May mga party-list group na naisulong nang mahusay ang interes ng sektor na kanilang kinakatawan, kaya’t hindi umano dapat basta buwagin ang partylists sa Mababang Kapulungan.
Ito ang binigyang diin ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, miyembro ng House minority group.
“There are many well meaning partylist groups that have successfully pursued the interests of the sectors they represent in congress. But, I agree that the partylist law should be amended to weed wealthy opportunists and fake representatives out of the system,” ayon kay Alejano.
Sinabi ni Alejano na dahil dito, mas mabuting ipa-review o paimbestigahan muna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang party-list system.
Magugunita na hinirit ni Pangulong Duterte ang pagbuwag sa party-list system dahil mayroon umanong mga abuso at pekeng party-list groups.
Sa panig naman ni Navotas Rep. Toby Tiangco, ang Commission on Elections (Comelec) naman umano ang dapat na magrekomenda sa Kongreso kung dapat amiyendahan ang Party-list Law, kasunod ng pagbuwag na hinihingi ng Pangulo.
“It is a fact that there are those who abuse the party-list system. But there are also party lists who are properly represented. I would like to hear from Comelec, if amendment of the party list law could prevent these abuses,” ani Tiangco.
Sakaling burahin nang tuluyan ang party-lists, sinabi ng kongresista na dapat ay mapalitan ito ng mga tunay na kakatawan sa marginalized sector. (Charissa M. Luci) (Elena Aben)