Steve Harvey copy

LAGING may pagkakataon para sa second chance.

Ito ang napatunayan nang ihayag kahapon ng isang opisyal ng Department of Tourism (DoT) na ang susunod na Miss Universe pageant, na idaraos sa Pilipinas, ay muling iho-host ng American comedian-TV host na si Steve Harvey — ang host sa Miss Universe 2015 na naging kontrobersiyal nang magkamali sa paghahayag ng nanalo.

Sa panayam sa DZMM, inihayag ni Tourism Undersecretary Kat de Castro na sinabi ni Steve sa Miss Universe organization na nais niyang personal na humingi ng paumanhin sa mga Pinoy dahil sa pagkakamali niyang pagtawag sa pangalan ni Miss Colombia Ariadna Gutierrez bilang bagong Miss Universe, gayong ang titulo ay para talaga sa pambato ng Pilipinas na si Pia Wurtzbach.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Personal na siyang humingi ng paumanhin sa dalawang beauty queen, at napatawad na rin siya ng dalawa.

“He wants to apologize to the Filipinos who were hurt because of what happened,” sabi ni De Castro.

Idinagdag pa ng DoT official na maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay nasorpresa nang malamang si Steve uli ang magsisilbing host sa pageant, na idaraos sa bansa sa Enero 2017.

“Nagulat din siya. Sabi niya, ‘Bakit?’ Dagdag pa niya, ‘He is a disaster.’ Ginano’n ako ni Presidente. Eh, sabi ko, ‘Sir, mukhang iyon na po talaga ang naging desisyon ng mga taga-Miss Universe.’ Tumawa na lang siya,” kuwento ni De Castro. (CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE)