PALIBHASA’Y may matayog na pagpapahalaga sa mga may kapansanan, naniniwala ako na walang pagkupas ang pagdakila sa naturang sektor ng sambayanan. Lagi nating pahalagahan ang PWDs (persons with disabilities) hindi lamang tuwing Hulyo na nagkataong sumasakop sa paggunita sa National Disability Prevention and Rehabilitation Week, kundi sa lahat ng pagkakataon. At lagi nating ikikintal sa ating isip ang makataong paksang “Karapatan ng may Kapansanan, Isakatuparan... Now Na!”
Totoong makasarili ang aking pagdakila sa PWDs; hindi dahil sa kanilang kahabag-habag na kalagayan kundi dahil sa mga kapuri-puri nilang mga katangian at karunungan sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran. Sa kabila ng kanilang mga kapansanan, marami sa kanila ang naglilingkod sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan at maging sa pribadong sektor.
Sino ang hindi magpupugay sa pambihirang katalinuhan ni Gat Apolinario Mabini na ang kaarawan ay ginugunita rin tuwing Hulyo 23? Siya ay kinilala bilang Dakilang Lumpo at Utak ng Rebolusyon. Idolo hindi lamang ng PWDs kundi, higit sa lahat, ng sambayanang Pilipino. Bilang isang abugado, sinulat niya ang Programa Constitucional de la Republica Pilipinas na nagpaalab sa diwang makabayan ng mga Pilipino.
Sa kapakanan ng PWDs, nagbunsod ang National Council on Disability Affairs (NCDA) ng mga programa at aktibidad upang madagdagan ang kaalaman ng mga may kapansanan sa iba’t ibang larangan, tulad ng kabuhayan at hanapbuhay. Bukod dito, nakalulugod ang pahayag ng NCDA hinggil sa pagpapalabas ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 10524. Sinusugan nito ang Magna Carta for Persons with Disability na nagbibigay ng sapat na pagkakataon upang magkaroon ng trabaho ang mga may kapansanan.
Itinatadhana rin ng nabanggit na batas ang paglalaan ng kahit isang porsyento man lamang ng lahat ng regular at non-regular positions sa lahat ng ahensiya at tanggapan ng gobyerno para sa PWDs. Kabilang sa nabanggit na mga tanggapan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Health (DoH), Civil Service Commission (CSC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Governance Commission for Government-Owned or Controlled Corporations at NCDA.
Ang paglagda sa naturang IRR ay isang patunay na walang sinumang may kapansanan ang maaaring pagkaitan ng pagkakataong makapagtrabaho; sila ay dapat pagkalooban ng mga benepisyo at oportunidad na tulad ng tinatawag na able-bodied persons. Sana nga. (Celo Lagmay)