Tinanggihan ng Sandiganbayan Sixth Division ang kahilingan ni dating Philippine National Police (PNP) Chief Alan Purisima na makabiyahe sa United States mula Setyembre 5 hanggang 27, 2016 para mabisita ang anak na si Jason Arvi, na nag-aaral sa Culinary Institute of America sa St. Helena, California.

Sa pagkontra na inihain ng korte, mariing tinanggihan ang kahilingan ni Purisima dahil wala namang “urgent” o matinding dahilan para bigyang katwiran ang kahilingan nitong makabiyahe sa ibang bansa.

“Accused has not sufficiently shown that there is absolute necessity for him to travel abroad,” nakasaad sa opposition paper. “There is no plausible and compelling reason for his purported travel.”

Nabigo rin si Purisima na magbigay ng magandang dahilan na ang pagtanggi sa hiling niyang makabiyahe sa ibang bansa ay magdudulot ng “irreparable damage or prejudice” sa kanya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

At kahit na nakapag-book na si Purisima ng tiket noon pang Marso 15, ipinaalala sa kanya ng Sandiganbayan na hindi lubos ang karapatang bumiyahe ng sino mang akusado at nakadepende pa rin ito sa karaniwang pagpipigil at pagbabantay ng hustisya.

Idiin din na dahil hindi idinetalye ni Purisima ang kanyang itinerary sa tatlong linggong biyahe, naghinala ang Sandiganbayan na posibleng hindi na magbalik ng Pilipinas ang akusado.

Si Purisima ay may nakabinbing kasong katiwalian sa Sandiganbayan kaugnay sa diumano’y maanomalyang courier service deal na nakuha ng PNP noong 2011. (Czarina Nicole O. Ong)