SA panahong patuloy na nanlalabo ang inaasahan nating mapayapang ugnayan kaugnay ng usapin sa South China Sea, nagbigay ng matalinong payo si United States Secretary of State John Kerry.
Nagtalumpati sa iba pang aktibidad para sa regional security forum ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Vientiane, Laos, sinabi ni Secretary Kerry na ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa South China Sea ay pinal at umiiral at ibinatay sa pandaigdigang batas, ngunit panahon na upang sa panibagong hakbangin, at humanap ng bagong pagkakasunduan.
Sinabi niya na hiniling sa kanya ni China Foreign Minister Wang Yi, na dumalo rin sa Vientiane forum, na suportahan ng Amerika ang pag-uusap upang muling masimulan ang talakayan sa pagitan ng Maynila at Beijing. “The foreign minister said the time has come to move away from public tensions and turn the page. And we agree with that,” sabi ni Kerry.
“No claimant should be acting in such a way that is provocative. No claimant should take steps that wind up raising tensions.”
Dapat na bigyang-diin na walang ginawang anumang hakbangin ang Pilipinas na maaaring magpalubha sa sitwasyon.
Makaraang isapubliko ng PCA ang desisyon nito na nagpapawalang-bisa sa iginigiit na nine-dash-line ng China sa halos buong South China Sea, agad na inimbita ni Pangulong Duterte si dating Pangulong Fidel V. Ramos upang pangunahan ang pagsisikap ng Pilipinas na makipag-usap sa mga opisyal ng China—hindi upang igiit ang anumang pag-angkin kundi upang galugarin ang mga lugar na maaaring mapagkasunduan nilang pagyamanin bilang magkalapit-bansa na may iisang interes.
Kilala si Pangulong Ramos sa malapit na ugnayan sa ilan sa mga pinuno ng China bilang isa sa mga nagtatag at pinuno ng Boao Forum for Asia na taunang naghaharap sa Boao sa lalawigan ng Hainan sa China. Dito, nakikipagpulong ang 26 na estadong Asian at Australiasian sa mga nangunguna sa larangan ng negosyo at industriya, akademya, at iba pang pinuno na nagtatalakayan tungkol sa ekonomiya, lipunan, kalikasan, at iba pang mga usapin.
Sa huling bahagi ng kanilang pulong sa Vientiane, nagpalabas ng pahayag ang mga ASEAN foreign minister na humihimok sa mga bansa na pangunahan ang pagpapatigil ng kani-kanilang aktibidad sa South China Sea upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na mga pangyayari sa mga isla, shoal, bahura, at iba pang bahagi nito. Malinaw na tinutukoy niya ang pagtatayo ng China ng mga runway sa ilan sa mga isla. Ngunit hindi aktuwal na binanggit ang naging desisyon ng PCA.
Binatikos ito ng ilang naniniwalang marapat lang na may sariling paninindigan ang ASEAN sa usapin bilang pagpapakita ng suporta sa mga miyembro na ito na ang pansariling interes ay kumakalaban sa ipinaglalaban naman ng China. Ngunit pinakamainam na marahil na iwasan ang anumang pag-atake o pagtuligsa ng alinmang bansa sa panahong ito. Gaya ng una nating nabanggit, nabigyang-diin na ng Pilipinas ang punto nito sa naging desisyon ng PCA at mas mabuti na pag-isipang mabuti ang mga susunod na hakbangin, tanggapin na kailangan nating patuloy na pakisamahan ang ating higanteng kapit-bansa sa hilaga-kanluran.
Malinaw na suportado ng Amerika ang pananaw na ito, kung pagbabatayan ang naging payo ni Secretary Kerry sa Vientiane forum. Malugod nating tinatanggap ang lumilinaw na pagkakasundu-sundo na pinakamainam para sa lahat ang magsimula na sa susunod na hakbangin, sikaping magkaroon ng pagkakasundo, at magtulungan.