Dumami ang mga Pilipinong umaasa ng mas maginhawang buhay at mas maunlad na ekonomiya sa susunod na 12 buwan kasabay ng pagsisimula ng administrasyong Duterte.
Sa isinagawang survey ng Social Weather Station (SWS) noong Hunyo 24-27, 49 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwalang giginhawa ang kanilang buhay sa susunod na 12 buwan, habang 3% lamang ang umaasang maghihirap sila.
Nagbunsod ito ng bagong record-high net personal optimism score (porsiyento ng mga positibo laban sa mga negatibo) na +46, na itinuturing ng SWS na “very high”. Ito ay anim na porsiyentong mas mataas sa unang “very high” record na +40 sa SWS survey noong huling quarter ng 2015, at isinagawa noong Disyembre.
Nasa 1,200 adult sa bansa ang nakibahagi, kung saan natukoy din sa nasabing survey na mas maraming Pinoy ang nagsabing bumuti ang kanilang kalagayan sa nakalipas na 12 buwan.
Tatlumpong porsiyento ang nagsabing guminhawa ang kanilang buhay at 21 porsiyento ang nagsabing lumala ang kanilang sitwasyon. (Vanne Elaine P. Terrazola)